416 total views
Pagsabotahe sa Lokal na Produksyon ng karne sa Bansa ang isa sa tinitingnan dahilan sa pagpakalat ng balitang may Swine flu Outbreak.
Ito ang inihayag ni Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Nilinaw ni So na walang katotohanan ang nasabing balita batay sa pahayag ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Iginiit ni So na walang naidulot ang pagkalat ng fake news sa mga nag-aalaga ng baboy sa Bansa sa tulong na rin ng BAI.
Kaugnay nito, nanawagan sa mamamayan si So na Beripikahin ang bawat nababasa at nadidinig na mga balita upang matiyak kung ito ay may katotohanan.
“We hope na huwag basta basta maniwala yung mga tao dahil dapat Kasi kung may ganito kalaking problema, ina-announce yan ng Department of Agriculture.” pahayag ni So sa Radio Veritas.
Paliwanag ni So na patuloy ang kanilang pagbabantay sa importasyon ng karne sa bansa na kadalasang nagmula sa Estados Unidos, Germany, Canada at mga Bansa sa Europa kasunod ng balitang may mga dayuhang kumpanyang nagnanais magpasok ng mga carabeef o karne ng kalabaw na hindi pinahihintulutan sa Bansa.
Aniya, dapat panagutin sa batas ang mga importer na hindi sumusunod sa batas sa pagpapasok ng mga produkto sa bansa upang matiyak na rin ang kaligtasan ng kalusugan ng bawat mamamayan.
Sa Pilipinas tinatayang mahigit sa 800 – libo ang bilang ng mga nag-aalaga ng baboy na pinagsamang backyard raisers at mga malalaking farm.
Bukod dito, aminado si So na apektado rin ang sektor ng nag-aalaga ng mga baboy sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil tumaas ang presyo ng mais at soya, mga sangkap sa paggawa ng pagkain ng baboy.
Sinabi ni So 6 na piso ang itinaas sa presyo ng mais habang 5 piso naman sa soya.
Unang hinimok ng Simbahang Katolika ang bawat mamamayan na labanan ang paglaganap ng fake news sa lipunan upang manaig ang katotohanan at maiwasang masira ang Komunidad.