17,513 total views
Nanawagan ang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mamamayan na bantayan ang pag-usad ng kaso ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang panawagan ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo makaraang sumuko si Quiboloy sa mga awtoridad kasama ang iba pang akusado.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang pagiging mapagbantay at pakikialam ng bawat mamamayan upang matiyak ang pananaig ng katarungan para sa mga biktima ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ni Quiboloy.
“We urge everyone to be watchful as the case progresses. It is through collective vigilance that we ensure justice is served and human dignity is protected.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Binigyang diin naman ng Obispo na dapat na maging patas ang mga otoridad sa pagpapatupad ng batas kung saan hindi dapat na tratuhing VIP o bigyan ng pambihirang pabor si Quiboloy.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na kinakailangan na maging mahigpit ang mga otoridad sa pagpapatupad ng proseso ng batas at hindi dapat na magkaroon ng anumang kasunduan o pakikipagkasundo sa kampo ni Quiboloy at iba pang mga kasama akusado.
“The law must apply equally to all. We trust there will be no VIP treatment, and that justice will proceed without favoritism… We hope there were no under-the-table deals, particularly with the Department of the Interior and Local Government (DILG). Transparency is essential, and the process must remain uncompromised,” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Kinilala naman ng Caritas Philippines ang pagsusumikap ng mga kawani ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na mahanap si Quiboloy upang maisakatuparan ang pagbibigay katarungan sa lahat ng kanyang mga biktima ng karahasan at pang-aabuso lalo’t higit sa mga kabataan at mga kababaihan.
“We commend the Philippine National Police (PNP) and the Armed Forces of the Philippines (AFP) for their dedication in ensuring this important step toward justice” Ayon pa kay Bishop Bagaforo.
Nagpaabot naman ng pananalangin si Bishop Bagaforo para sa lahat ng mga pamilya at biktima ni Quiboloy na patuloy na naghahanap ng katarungan at nagsusumikap na malagpasan ang kanilang mga pinagdaanan.
Bukod sa paghilom para sa mga biktima ay ipinapanalangin din ng Obispo si Quiboloy at ang mga kasapi ng Kingdom of Jesus Christ upang magkaroon ng lakas at bukas na pag-iisip na tanggapin ang katotohanan kaugnay sa mga alegasyong pang-aabusong kinakaharap ni Quiboloy.
“At the heart of this case are victims who have suffered immensely. Their protection, care, and recovery must be prioritized, along with the support of their families, who carry a heavy burden… We offer prayers for healing, not only for the victims but also for Pastor Quiboloy and his followers, that they may find clarity and strength to face the truth.” Pagbabahagi pa ni Bishop Bagaforo.
Sumuko si Quiboloy sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) noong ika-8 ng Setyembre, 2024 matapos na magbigay ng 24-hour ultimatum ng PNP bago pasukin ang mga mahahalagang gusali ng KOJC compound sa Davao City.
Ika-9 naman ng Setyembre, 2024 ng pormal nang humarap sa Quezon City Regional Trial Court si Quiboloy para sa mga kasong sexual abuse of minor at child cruelty kung saan may piyansang 180-libo sa sexual abuse habang 80-libo naman sa child cruelty.
Nakatakda ding iharap si Quiboloy sa Pasig Regional Trial Court para non-bailable na human trafficking case.
Inilipat sa Quezon City ang paglilitis kay Quiboloy mula Davao City makaraang aprubahan ng Korte Suprema ang kahilingan ng prosekusyon upang maiwasan ang impluwensya ng akusado sa mga korte sa judicial region.