100,097 total views
Mga Kapanalig, “sa Bagong Pilipinas, walang waldas.”
Bahagi ito ng talumpati ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr sa Bagong Pilipinas concert na ginagap sa Quirino Grandstand noong isang linggo. Tinatayang nasa apat na raang libo ang dumalo sa concert, kabilang ang mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Naroon din siyempre ang mga tagasuporta ni PBBM, ngunit may mga pumunta rin para makatanggap ng serbisyo ng gobyerno.
Layunin ng concert na ilunsad at kumalap ng suporta sa isinusulong ng administrasyong Marcos na “Bagong Pilipinas.” Ang Bagong Pilipinas ay isang pangako ng kasalukuyang administrasyon upang isulong ang mga repormang magbabalik sa tiwala ng taumbayan sa pamahalaan at maghahatid ng mga serbisyo at tulong sa bawat Pilipino. Ito raw ang “brand of governance and leadership” ni Pangulong BBM—isang pamamahalang may prinsipyo, may pananagutan, at maaasahan.
Para kay Presidential Communications Office (o PCO) Director Cris Villonco, sa bigat ng importansya ng ideyang ito, “deserve nito ng ganito kalaking megaphone.” Hindi raw sapat ang press release o executive order para ipaalam ito sa mga kawani ng gobyerno at sa taumbayan. Dagdag pa niya, “Kailangan itong ipagsigawan para ma-absorb sa mga kaluluwa ng Pilipino kasi lahat tayo magpa-participate dito.”
Ngunit alam n’yo ba kung magkano ang ginastos ng pamahalaan para sa malaking “megaphone” na ito?
Batay sa purchase documents na nakalap ng Rappler, gumastos tayo ng 15.9 milyong piso para sa pagrenta ng technical equipment. Kasama rito ang speakers, microphones, at LED wall panels na ginagmit sa concert. Umabot naman sa 7.59 milyong piso ang ginastos para sa mga tokens na ipinamigay sa mga tao katulad ng mga jacket, bag, at tumbler. Sa kabuuan, gumastos tayo ng halos 24 milyong piso para sa Bagong Pilipinas concert. Hindi pa kasama rito ang ginastos sa fireworks at ang ibinayad sa performers. Depensa ni PCO Undersecretary Gerard Baria, karamihan daw sa performers ay boluntaryo nag-alok ng kanilang talento at hindi nagpabayad. May donasyon din daw na natanggap ang gobyerno mula sa pribadong sektor.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, malinaw na tungkulin ng pamahalaang pangasiwaan nang tama at maayos ang kaban ng bayan. Bilang mga lingkod-bayan, dapat isinasaalang-alang ng ating mga lider ang kabutihang panlahat o common good sa bawat paggasta sa pera ng taumbayan. Dapat masinop at nakatuon sa pagtataguyod sa interes ng taumbayan ang paggastos ng gobyerno. Sa madaling salita, taumbayan ang dapat na nakikinabang sa kanilang pera, hindi ang personal na interes o pagpapabango ng pangalan ng mga nasa pamahalaan. Paano tayo nakinabang sa isang concert?
Kung kukwentahin, maraming maaaring mapakinabangan ang mahihirap na Pilipino sa naging kabuuang gastusin sa concert. Halimbawa, apatnapung socialized housing units na sana ito para sa mga maralitang walang tahanan. Makabibili ang badyet na ginamit sa concert ng siyam na modern jeepneys para sa mga tsuper na mawawalan ng trabaho dahil sa PUV modernization program. Ngunit sa halip na ilaan ang badget para sa mga programang direktang makikinabang ang taumbayan, napunta ito sa concert. Bagamat maganda ang mensahe ng Bagong Pilipinas, sinalungat ito ng magarbong concert.
Mga Kapanalig, hamunin natin ang ating mga lingkod-bayan ng paalala mula sa Roma 12:8, “Kung namumuno, mamuno nang buong sikap.” Walang saysay ang engrandeng concert kung hindi maipararating ang mga kagyat at dekalidad na serbisyo sa taumbayan. Wala ring silbi ang magagandang pangako kung wawaldasin ang kaban ng bayan sa pagyayabang nito na dapat sana’y nagagamit para sa higit na makabuluhang programa para sa mahihirap. Hangad nating makita ang pagbabago ng Pilipinas, una sa lahat, sa pamahalaang nagsisikap na gawing masinop ang paggasta sa ating pera.
Sumainyo ang katotohanan.