2,266 total views
Inanunsyo ng Laudato Si’ Movement Pilipinas ang panibagong araw para sa isasagawang Walk for Creation bilang bahagi ng pagdiriwang sa Season of Creation 2023.
Gaganapin ito sa Setyembre 15 mula alas-singko hanggang alas-8:30 ng umaga sa Diocesan Shrine of Jesus the Divine Word sa Quezon City.
Layunin ng gawain na ipabatid ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos tungo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan, at ang patuloy na pagtupad sa tungkulin ng bawat isa na maging mabubuting katiwala ng sangnilikha ng Diyos.
Maliban sa symbolic walk, bahagi rin ng programa ang fellowship at ecumenical service na pangungunahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Ecumenical Affairs, Philippine Council of Evangelical Churches, at National Council of Churches in the Philippines.
Unang itinakda ang Walk for Creation 2023 noong unang araw ng Setyembre ngunit ipinagpaliban dahil sa patuloy na pag-uulang dala ng hanging habagat na pinalakas ng Bagyong Hanna.
Sinisimulan ang Season of Creation tuwing unang araw ng Setyembre kasabay ng World Day of Prayer for the Care of Creation na inilunsad ni Pope Francis noong 2015.
Karaniwan itong nagtatapos sa Oktubre 4, kapistahan ng patron ng kalikasan na si San Francisco de Asis, ngunit pinalawig ito sa Pilipinas hanggang ikalawang Linggo ng Oktubre upang ipagdiwang ang Indigenous Peoples’ Sunday bilang pagkilala sa mahalagang tungkulin ng mga katutubo sa pangangalaga sa nag-iisang tahanan.
Tema naman ng Season of Creation 2023 ang “Let Justice and Peace Flow” na hango sa mga kataga ni Propeta Amos.