30,442 total views
Nakatakdang magsagawa ng lokal na Walk for Life 2024 ang Archdiocese of Palo at Palo Council of the Laity bilang patuloy na paninindigan ng mga layko sa pagsusulong ng kasagraduhan ng buhay.
Nakatakdang ang pagsasagawa ng gawain sa darating na Sabado, ika-27 ng Abril, 2024 ganap na alas-kuwatro ng madaling araw hanggang alas-otso ng umaga.
Sa ilalim ng pangkabuuang tema ng Walk for Life 2024 na “Together, We Walk for Life” ay umaasa ang Archdiocese of Palo na makiisa ang mga mananampalataya sa Leyte sa mariing paninindigan para sa buhay, laban sa extrajudicial killings at anumang banta sa buhay ng tao at maging ng kalikasan.
Itinakda bilang assembly points ng mga makikibahagi sa gawain ang limang bikaryato sa arkidiyosesis patungo sa Palo Metropolitan Cathedral kung saan mayroong maikling programa bago ang isasagawang banal na misa.
Magsisilbing pangunahing tagapagsalita sa gawain si Rev. Fr. Jonathan Raagas na siyang spiritual director ng Junior and Senior High School Department ng Sacred Heart Seminary.
Pangungunahan naman ni Archdiocese of Palo Vicar General Rev. Msgr. Gilbert Urbina ang banal na misa habang magbabahagi ng maikling talumpati si Archdiocese of Palo Council of the Laity President Edna Ayaso at Rev. Fr. Paulino Cabahit na siyang spiritual director ng Council of the Laity ng arkidiyosesis.
Naunang isinagawa ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang Walk for Life 2024 sa University of Santo Tomas noong ika-17 ng Pebrero, 2024 kung saan pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na misa para sa may 4-na libong nakibahagi sa taunang gawain ng implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity.