1,534 total views
Pinuri ng Office for the Promotion of the New Evangelization ng Archdiocese of Manila ang hakbang ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa pagdiriwang ng kapistahan ng poon lalo na ang isinagawang Walk of Faith.
Ayon kay OPNE Director Fr. Jayson Laguerta, natatangi ang pagdiriwang ng Nazareno 2023 sapagkat nakatuon ito kay Hesus.
Kinilala ng pari ang pagiging malikhain ng mga namumuno sa basilica upang mabigyang pagkakataon ang mga deboto na muling maipagdiwang ang pista sa kabila ng nagpapatuloy na pandemya sa lipunan.
“Nakakatuwa na naging malikhain ang pamunuan ng Basilica ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa pangunguna ni Fr. [Rufino] Jun [Sescon], nag-isip sila ng mga pamamaraan para yung karanasan pa rin ng Traslacion at paglalakbay ay maiparamdam pa rin sa mga deboto, ang Walk of Faith. “ pahayag ni Fr. Laguerta sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon kay Fr. Laguerta na ang pagprusisyon kahit wala ang imahe ng Poong Nazareno ay isang malalim na halimbawa ng matatag na pananampalataya.
Naniniwala ang opisyal na ang pundasyon sa isinagawang Walk of Faith ng Quiapo church ay ang sipi ni San Pablo na ‘We walk by faith and not by sight’.
Batid ng pari na sa buhay paglalakbay ay marami ang karanasang maaring matatagpuan lalo na ang paglalakbay bilang mananampalataya na nahaharap sa iba’t ibang uri ng hamon.
Natitiyak ni Fr. Laguerta na ang pakikiisa sa halos 100, 000 deboto sa Walk of Faith ay bunga ng malalim na debosyon at pananalig sa Panginoon.
“Naging napakalakas at malalim na pahayag ang Walk of Faith; yun ang pinakamaganda sa Nazareno 2023 na nakatuon tayo kay Hesus na hindi man natin kasama sa Traslacion pero kalakbay natin sa ating paglalakad at paglalakbay sa buhay.” ani Fr. Laguerta.
January 8 nang isagawa ng Quiapo church sa kauna-unahang pagkakataon ang Walk of Faith bilang pagdiriwang sa Pista ng Poong Hesus Nazareno.
Kasabay nito ang pagsasagawa ng ‘Pagpupugay’ sa Quirino Grandstand sa halip na isagawa ang tradisyunal na pahalik sa imahe.
Naglaan din ang Basilica ng 33 Misa para sa kapistahan.