929 total views
Hinamon ng Nuclear Free Bataan Movement si Pangulong Rodrigo Duterte na patunayan at ipakita sa gawa ang pahayag na ipalit ang renewable energy sa mga coal fired power plants sa bansa.
Ayon kay Derek Cabe ng NFBM, positibong panukala ang pagpapatayo ng mga renewable energy sources sa bansa, ngunit kinakailangan itong mapatunayan ng bagong pangulo upang tunay na mapayapa ang kalooban at ang kapaligiran ng mga mamamayan ng Bataan.
Tiniyak rin ni Cabe na babantayan ng kanyang grupo ang magiging hakbang ni President Duterte kaugnay sa mapaminsalang Coal Fired Power Plants sa kanilang lalawigan.
“Nabasa ko lang sa facebook na gusto nilang i-review yung mga coal plants, pero syempre, one thing yung may pronouncements ka, another thing yung ipakita mo talaga sa practical at i-implement mo talaga yung patakaran,” pahayag ni Cabe sa Radyo Veritas.
Sa kabila ng pagtutol ng mga residente, patuloy pa rin ang operasyon sa kanilang lalawigan ng 600 MW Coal Fired Power Plant Facility ng GN Power Mariveles Coal Plant Limited Company.
Magugunitang bago matapos ang termino ni dating pangulong Benigno Aquino III ay nilagdaan nito ang commission resolution 2016-001 na naglalayong siyasatin ang mga coal power plant sa bansa, at pag-ibayuhin ang paggamit ng bansa sa renewable energy.
Una nang iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong Laudato Si ang pagpapalawak ng pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.