275 total views
Tiniyak ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza na hindi nito kukunsintihin o pagtatakpan kung mapatutunayan ang akusasyon sa isang paring nang molestya ng menor-de-edad.
Sinabi ni Bishop Alminaza na nakakalungkot at masakit sa kalooban ang pangyayari, hindi lamang para sa biktima at sa kan’yang pamilya kungdi maging sa mga Pari at sa buong Simbahan.
Nilinaw din ni Bishop Alminaza na ang pag-tatanggal sa pari sa kan’yang puwesto ay hindi nangangahulugan ng pagtatago dito.
Ipinaliwanag ng Obispo na mayroong proseso at batas na sinusunod ang simbahan pagdating sa pag-iimbestiga at pagbibigay ng pastoral care sa akusadong pari upang mabigyan ito ng pagkakataong makapagnilay at maihanda ang kan’yang sarili sa pagharap sa alegasyon at mga pag-susuri.
Nangako si Bishop Alminaza na aalamin nito ang katotohanan at magiging patas at makatarungan sa dalawang panig.
“We are committed to search for truth and to make sure the process will be fair and just to both parties and whoever is responsible will have to face the consequences. While our Holy Father is calling for us “all-out-battle” against the sexual abuse of minors, and to turn this evil into an “opportunity for purification”, we in the Diocese of San Carlos is challenged to “walk the talk”.” Bahagi ng opisyal na pahayag ni Bishop Alminaza.
Sa kasalukuyan, nakipag-ugnayan na ang Diocese of San Carlos sa biktima at sa kan’yang pamilya, bilang pagtalima sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco na paigtingin ang pagprotekta sa mga kabataan sa halip na protektahan ang institusyon.
Nanawagan din ang Obispo sa mga mananampalataya na ipanalangin ang mabilis na paglutas sa kaso at upang gabayan ng Panginoon ang biktima, ang kan’yang pamilya at ang buong simbahan na nakikiramay at nakikiisa sa pighati ng mga nakaranas ng seksual na pang-aabuso.