236 total views
Mga Kapanalig, nagulantang ang lahat nang sumabog muli ang bulkang Taal noong nakaraang linggo. Noong Enero 2020, bago pa man ang pandemyang dala ng COVID-19, sumabog na rin ang bulkang Taal matapos ang mahigit apat na dekadang pagkakahimbing. At Pebrero ngayong taon, nagkaroon na rin ng paglilikas ng mga pamilya na naninirahan malapit sa bulkan dahil sa patuloy na pag-aalboroto nito.
Bago ang pangyayaring ito, nabalot ng tinatawag na “vog” o volcanic smog ang buong Metro Manila at ang mga kalapit na probinsya. At dahil sa pagsabog ng bulkan sa unang araw ng Hulyo, itinaas ang alert level 3; ibig sabihin, kailangan nang lumikas ang mga nasa bayan ng Agoncillo at Laurel sa Batangas. Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, umabot na sa 3,500 pamilya o mahigit 15,000 katao ang inilikas. Maliban sa paglilikas sa mga pamilya, malaki rin ang epekto ng pagputok ng bulkan sa kabuhayan ng mga nasa paligid nito. Kung babalikan ang mga aral ng naging pagputok ng Taal noong 2020, ang pagiging handa at maagap ng pamahalaan at ng mga tao ang makakapagsalba sa maraming buhay at ari-arian.
Sa ganitong mga pangyayari, lubhang kinakailangan ang mga lider na magmamalasakit sa mga tao at mangunguna sa paghahanda sa inaasahang kalamidad at pagtugon sa mga magiging epekto nito. Ngunit nang tanungin si Pangulong Duterte kung magpapatawag ba siya ng command conference upang pag-usapan at paghandaan ang nagbabadyang sakuna, sinabi niyang lalagyan na lamang raw niya ng cap o takip ang bunganga ng Taal. Dagdag pa niya, marahil daw ay nilamon na ng bulkan ang mga opisyal ng gobyernong inaasahan niyang dumalo sa pagbubukas ng LRT-2 Extension Project.
Wala sa lugar ang pagbibirong ito ng pangulo. Nakakadismaya ang ganitong mga salita gayong may mga kababayan tayong balót ngayon ng takot at kawalang katiyakan sa mga evacuation centers at iiwan ang kanilang mga tahanan sa gitna ng nagpapatuloy na pandemya. Matinding bangunot ito para sa kanila, at hindi nakapagpapalakas ng kanilang loob ang kawalang kahandaan at malasakit ng mga nasa posisyon.
Kahit pa sinasabi ng pamahalaang panlalawigan ng Batangas na handa itong ilikas ang mga pamilyang apektado ng pagsabog ng bulkan, hindi kalabisang asahan natin ang ating mga lider na magmalasakit at magsilbi sa mamamayan sa panahon ng kalamidad. Gaya ng paalala sa atin ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, ang pagkakaroon ng malasakit sa ating kapwa ay pakikiisa sa kanilang kahinaan at pagiging bulnerable. At ngayong nakararanas ang mga kababayan natin sa paligid ng bulkang Taal ng matinding panganib at nagpapatuloy pa rin ang pandemya, kailangang kailangan natin ang pagmamalasakit na dapat unang-unang ipinakikita ng ating mga pinuno. Kung mamaliitin ng ating mga lider ang kanilang nararanasan, makaaasa ba tayong matutugunan ang kanilang mga pangangailangan, lalong-lalo na ng mga bata, matatanda, at may karamdaman?
Ang tunay na masalakit mula sa ating mga lider ay, sabi nga sa Roma 12:13-15, higit sa pakikigalak sa panahon ng kagalakan. Ito ay naipamamalas sa pakikitangis sa mga tumatangis, at pagtulong sa mga kailangang tulungan. Bagamat hindi inaasahang matutulad sa pagputok ng bulkang Taal noong nakaraang taon ang nangyayari ngayon, mainam kung tayo ay magiging handa sa pinakamasamang maaaring mangyari at pairalin ang pagmamalasakit.
Mga Kapanalig, nakararanas tayo taun-taon ng maraming sakuna, kabilang ang pagsabog ng bulkan. Hindi natin dapat maliitin ang nararanasan ng mga pamilyang apektado nito. Ang uri ng pagtugon ng kasalukuyang pamahalaan ay maging aral nawa sa atin upang piliin ang mga pinunong may malasakit at pang-unawa sa bigat ng sitwasyon. Hindi natin kailangan ng mga lider na puro biro lamang ang nalalaman.