222 total views
Ugat ng kamatayan ang Oplan Double Barrel ng administrasyong Duterte.
Ito ang inihayag ni Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People chairman at Balanga Bishop Ruperto Santos sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga napapatay sa war on drugs ng pamahalaan.
Ayon kay Bishop Santos, bukod sa buhay ng biktima ay kasama ring naglalaho ang pangarap at sakripisyo ng mga magulang lalo na yaong naghahanap-buhay sa ibayong dagat upang itaguyod ang naiwang pamilya sa Pilipinas.
“Again, with this reckless and senseless killing of Angelo Arnaiz, innocent life is lost and sacrifices of his OFW mother from Dubai are reduced to nothing. What left to her are continuous tears and sufferings. This failed and fruitless oplan: double barrel reloaded must be stopped. It is becoming evil and instrument of death,” pahayag ni Bp. Santos.
Bukod kay Carl Angelo Arnaiz, tinatayang umabot na sa 12 libo ang mga napatay sa loob ng dalawang taong kampanya ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga kabilang na dito ang estudyanteng si Kian Delos Santos at may 30 pang mga kabataan.
Kaugnay nito, hinamon ng Obispo si Pangulong Rodrigo Duterte na tuparin ang kanyang pangakong pagbibigay-proteksyon sa mga mamamayan at alalahanin ang papel na ginampanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) upang maluklok siyang pinakamataas na opisyal ng bansa.
“We at the CBCP ECMI reminds our President that OFWs elect him, believing and trusting he will protect them from abusive and erring government officials, especially now from the PNP,” ani Bishop Santos.
Sa datos ng Commission on Elections, 432,706 sa 1.37 milyong registered overseas voters ang lumahok noong 2016 National Elections kung saan 313,346 sa mga ito ang bumoto kay Pangulong Duterte sa pagkapangulo.
Sa kabila ng nagaganap na mga paspaslang, una nang nanawagan si CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa gobyerno na pairalin ang batas at hindi ang pamamayani ng baril at dahas.