418 total views
Mga Kapanalig, bilang reaksyon sa nangyayaring digmaan sa pagitan ng Israel at ng grupong Hamas mula sa Palestine, ipinaalala ni Pope Francis na “War is always a defeat! Every war is a defeat!” Ang digmaan ay laging pagkatalo. Ang bawat digmaan ay isang pagkatalo.
Habang isinusulat natin ang editoryal na ito, mahigit isanlibong katao na ang namatay sa dalawang panig. Bagamat matagal nang mailap ang kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine, ang pinakahuli at surpresang pag-atake ng grupong Hamas sa Israel ang naging mitsa ng pagtindi ng tensyon doon. Agad kasing gumanti ang Israel matapos mamatay ang mahigit 600 na mamamayan nito nang magpakawala ng rockets mula sa Gaza Strip ang Islamist movement na Hamas. Pinasok din ng armadong grupo ang ilang lugar sa katimugang Israel at may mga napaulat na kinidnap at pinagpapatay. Nagbanta rin ang grupong papatayin ang mga sibilyang hostage kung magpapatuloy ang pag-atake ng Israel sa Gaza Strip, kung saan libu-libong pamilya na ang lumikas at naghahahanap ng ligtas na matutuluyan.
Malalim at masalimuot ang ugat ng tensyon sa rehiyon. Nagsimula ito noong World War I kung saan nasa ilalim ng kontrol ng Britanya ang Palestine. Mayorya ng populasyon doon noon ay Arabs habang minorya naman ang mga Jewish. Lumaki ang populasyon ng mga Jewish nang mangyari ang Holocaust sa Germany. Noong 1947, alinsunod sa tinatawag na British Mandate, hinati ang Palestine sa dalawa: ang Arab State at ang Jewish State (na kalaunan ay tinawag na Israel). Hindi ito tinanggap ng mga Arabs hanggang sa lisanin ng Britanya ang rehiyon. Sa paglipas ng panahon, sinakop ng Israel ang lugar ng mga Palestinian, bagay na labag sa British Mandate na kinikilala ng United Nations. Noong 1967, tuluyang sinakop ng Israel ang mga lupang laan sa mga Palestine, hanggang sa umatras ito sa Gaza Strip noong 2005. Gayunman, patuloy ang pagsasara sa mga borders ng Gaza Strip na nagpahirap naman sa buhay ng mga Palestines doon. Ang matinding hirap sa Gaza Strip ang nagbigay-daan sa pagkabuo ng mga militanteng grupong katulad ng Hamas. Sinamantala naman ng iba ang sitwasyon upang magpalaganap ng terorismo.
Tila walang puwang ang kapayapaan sa dalawang panig. Patuloy ang pananakop ng Israel at panggigipit nito sa mga Palestine. Ang mga grupong katulad naman ng Hamas ay matigas sa kanilang paninindigang pabagsakin ang kanilang itinuturing na mortal na kaaway, ang Israel.
Naiipit sa gitna ang mga inosenteng sibiliyan, kabilang ang mga dayuhang naghahanapbuhay doon katulad ng ating mga overseas Filipino workers. May mga ulat ngang kabilang ang ilang Pilipino sa mga kinidnap ng mga militante, bagamat patuloy pa itong kinukumpirma ng ating embahada sa Israel. Tiniyak naman nitong nasa ligtas na kalagayan ang ating mga kababayan. Gayunman, may dalawa na tayong kababayang nasaktan. Dalawa naman ang kasama sa mga namatay. Sana ay hindi na madagdagan pa.
Mga Kapanalid, madaling masiraan ng loob sa harap ng mga ganitong pangyayari kahit pa malayo tayo sa magugulong lugar at bansa. Hindi natin maisip ang pagkabalisa ng mga apektadong mamamayan. Tiyak ding labis ang pag-aalala ng ating mga kababayang may kapamilyang nagtatrabaho sa mga bansang may digmaan. Sa ngayon, ang tanging magagawa natin ay ang magdasal para mamayani ang kapayapaan sa mga lugar na ito, lalo na ngayon sa Israel at Palestine. Ang Santa Iglesia, na nagpapahalaga sa kapayapaan at naniniwalang bunga ito ng katarungan, sabi nga sa mga panlipunang turo nito, ay laging naghahangad ng kapayapaan. Ginagawa ni Pope Francis, bilang pastol ng ating Simbahan, ang lahat upang kumbinsihin ang mga pinuno ng iba’t ibang bansang tapusin ang mga digmaan, na “laging pagsikapan [ang kapayapaan],” wika nga sa 1 Pedro 3:11.
Sumainyo ang katotohanan.