210 total views
Hinamon ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pamahalaang Duterte na patunayang tunay silang laban sa illegal na droga.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, dapat may napanagot nang drug lord at natigil na rin ang illegal drug trade sa bansa.
“Kung talagang mamapatunayan nila na against sila sa drugs may mga patunay sila na may mga drug lord na nahuhuli at natitigil ang suplay ng drugs,” ayon kay Bishop Pabillo.
Inihayag ng Obispo na marami nang pinatay na small time pero walang na-convict na mga drug lords.
“Seryoso ba sila talaga sa pagtanggal ng droga o ginamit lang nila ang droga pampanakot sa kalaban nila?” pahayag ng Obispo sa Radio Veritas
Giit ng Obispo, marami na ang napatay na hinihinalang users at pushers subalit mas dapat na tutukan ang mga ‘supplier’ o ang mga drug lords.
Kinuwestyon din ng obispo ang pagpapawalang sala sa mga hinihinalang drug lords na sina Peter Lim; Peter Co; Kerwin Espinosa at iba pang drug personalies
“Kaya nga dapat ipaalam sa atin bakit clear? Ano ang dahilan. Kung wala namang dahilan at sila’y nakaclear pero wala pa silang nako-convict na drug lord ang dami nang pinatay,” ayon kay Bishop Pabillo.
Una na ring umalma ang Philippine National Police (PNP) sa inilabas na desisyon ng prosecutor general ng Department of Justice (DoJ) noong December 2017, bagama’t ito ay inilabas at natanggap lamang noong February 2018.
Ang mga nabanggit ding personalidad ay pawang kabilang sa ‘drug lists’ ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa tala ng mga human rights advocates may 13,000 na ang naitatalang napapatay ng mga hinihinalang may kinalaman sa droga kasama na rito ang 4,000 napatay sa police operations.