207 total views
Kinumpirma ng Department of National Defense ang pagdideklara ng pamahalaan ng all-out war laban sa rebeldeng New People’s Army.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, malaking banta sa seguridad at kalagayan ng bansa ang mga armadong grupo na nagsagawa ng mga serye ng pag-atake sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng Kalihim na may sapat na puwersa ang pamahalaan upang maprotektahan ng mga militar ang mga mamamayan mula sa itinuturing ngayon na mga terorista ng pamahalaan.
Pinawi naman ni Lorenzana ang pangamba ng mamamayan na magamit sa paglabag sa karapatang pantao ang all-out war ng pamahalaan laban sa New People’s Army.
“Yes, it is an all-out war kasi they are considered by the President already as terrorists. We also consider them as terrorists. Ano bang pagkakaiba nila sa Abu Sayyaf? The Abu Sayyaf kidnap people and then they get money. The NPA will threaten those businessmen and also get money. There’s no difference at all. They are there to terrorize people, to giving them money, that’s extortion. So we will hunt them down and maybe stop them from doing what they are doing.”pahayag ni Lorenzana.
Kaugnay nito, muling pinapaaresto ng Pangulong Duterte ang 13-CPP-NPA-NDF consultants na naunang ginawaran ng safe conduct pass dahil sa peacetalks.
Samantala, itinuturing naman ni Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma na isang “lose-lose solution” ang pagkansela ng pamahalaan sa usapang pangkapayapaan sa rebeldeng komunista.
Read: http://www.veritas846.ph/lose-lose-solution-sa-kawalan-ng-peace-talks-arch-ledesma/
Magugunitang una na ng binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagsusulong sa pagkakaisa at kapayapaan bilang isa sa pangunahing misyon ng Simbahang Katolika na matiyak ang kapakanan at kabutihan ng sangkatauhan.