147 total views
Hinimok ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrant and Itinerant People o CBCP-ECMIP ang sambayanang Pilipino na ipanalangin ang kaligtasan ng mga Pinoy at iba pang nationals sa pinangangambahang pag-atake ng North Korea o NoKor sa Guam at Korean Peninsula.
Hinihikayat ni CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People (ECMI) chairman Balanga Bishop Ruperto Santos ang mga mananampalataya na ipagdasal at hingin ang patnubay ng Panginoon para malinawagan ang mga lider ng naturang bansa na isulong ang kapayapaan at kasagraduhan ng buhay.
Iginiit ni Bishop Santos na higit na kailangang ang sama-samang pagsusumamo sa Diyos na hipuin ang puso ng mga lider ng mayayamang bansa na i-renounce ang digmaan na magdudulot lamang ng total destruction at disaster.
“At these perilous and uncertain times, we have to pray. Let us pray constantly, begging God to enlighten our leaders to work for peace and promotion of human life. May they value life more than anything else, and renounce war which is total destruction and total disaster,” panawagan ni Bishop Santos.
Naging mainit ang tensiyon sa pagitan ng NoKor at Amerika matapos magpakawala ang Pyongyang ng intercontinental ballistic missile (ICBM) na sinasabing makakarating sa Guam na teritoryo ng Amerika.
Kasabay nito, muling nagbanta ang NoKor ng pambobomba sa US military bases sa Guam kung saan tinataya ng Department of Foreign Affairs na 40-porsiyento ng populasyon o katumbas ng mahigit sa 42-libong residente ay mga Filipino.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Bishop Santos ang mga mamamayan sa mga apektadong lugar na maging alerto sa mga maaaring mangyari.
“Also we appeal our people to be always vigilant, careful and observe proper rule of law of Guam. We at CBCP ECMI are with you, praying for your safety and security. God bless you all,” panawagan ni Bishop Santos sa pamamagitan ng Radio Veritas.
Pinag-iingat ng Simbahan at pamahalaan ang may nasa 69,000 Filipino sa South Korea na maapektuhan din ng nagaganap na iringan sa pagitan ng Amerika at North Korea.
Nauna rito, lumiham si Bishop Oscar Cantu, Chairman ng US Conference of Catholic Bishops Committee on International Justice and Peace kay US Secretary of State Rex Tillerson para makipagtulungan sa international community at pag-usapan ang mapayapang resolusyon sa banta ng missile attack ng North Korea laban sa Guam na isang US territory.