7,651 total views
Hinikayat ng BAN Toxics ang mga kandidato para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections na sundin ang mga panuntunan ng Commission on Elections sa pangangampanya.
Ayon kay BAN Toxics executive director Rey San Juan, sa halip na maging ‘epal’, dapat ipamalas ng mga kandidato ang pagiging “Environment Pal” o Kaibigan ng Kalikasan, na bibigyang-pansin ang pagtugon sa mga suliraning pangkalikasan sa antas ng Barangay.
Ang terminong ‘epal’ ay mula sa salitang ‘mapapel’ na naging bansag sa mga kandidatong hangad lamang ay posisyon at hindi ang tunay na paglilingkod sa bayan.
“Barangay and Sangguniang Kabataan candidates should be an advocate for environmental protection and preservation, “Environment PALS” not just during election fever, but in the genuine implementation of programs and services once elected,” pahayag ni San Juan.
Binigyang-diin ng grupo ang panuntunan ng COMELEC na hinihikayat ang mga kandidato na gumamit ng recyclable at eco-friendly materials, maging ang pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan sa pangangampanya at kapag nahalal na sa posisyon.
Paliwanag ng BAN Toxics na ang paggamit ng plastic o iba pang materyal na may sangkap na kemikal ay maaaring makadagdag sa kalat at polusyon sa kapaligiran na kalauna’y magiging suliranin sa mga pamayanan.
Alinsunod sa Local Government Code, ang Barangay bilang pangunahing political unit ay magsisilbing pangunahing lugar para sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran, programa, at mga proyekto sa mga pamayanan, kabilang ang wastong pamamahala at pangangalaga sa kalikasan.
“We encourage all candidates “win or lose” to conduct post-election clean-ups, properly collected and segregated – not “hakot-tambak” to minimize trash, and promote a clean, peaceful, toxic-free, and waste-free election,” ayon kay San Juan.
Nakasaad sa Katuruang Panlipunan ng Simbahan na ang mga opisyal ng pamahalaan ay nagpapamalas ng tapat na paglilingkod sa taumbayan, sa halip na pagtuunan lamang ang pansariling kapakanan.