366 total views
Umapela ang EcoWaste Coalition sa mga mananampalataya na huwag mag-iwan ng anumang uri ng basura sa mga pilgrimage sites ngayong Semana Santa.
Ito ang panawagan ng grupo para sa mga magsasagawa ng Visita Iglesia o ang pagbisita sa iba’t ibang simbahan upang magnilay at manalangin.
Ayon kay Aileen Lucero, national coordinator ng EcoWaste na bukod sa hindi pagkakalat, kailangan pa ring patuloy na sundin ng mga mananampalataya ang minimum public health protocols laban sa COVID-19.
“For the sake of our fellow pilgrims and Mother Earth, please observe COVID-19 health protocols and avoid all forms of littering when you perform the Visita Iglesia, take part in the Via Crucis and Santo Entierro processions, and celebrate Easter in the Salubong,” pahayag ni Lucero.
Pinaalalahan naman ni Lucero ang mga nagbabalak magpunta sa mga resort at iba pang tourist destination sites na gumamit lamang ng mga reusable containers sa halip na single-use plastics.
Gayundin ang hindi pagsasayang ng mga pagkain at tubig, at ang pagiging responsable sa mga malilikhang basura.
“Regardless of where your destination is, please take this reminder to heart ‘take nothing but pictures, leave nothing but memories, kill nothing but time’ and be an eco-friendly tourist at all times,” saad ni Lucero.
Nabanggit din ng EcoWaste ang paninindigan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa inilabas na pahayag noong 2015 na “Stewards, Not Owners” alinsunod sa ensiklikal ng Kanyang Kabanalan Francisco na Laudato Si’.
Dito’y iginiit ng kalipunan na walang sinuman ang may-ari sa mga likas na yaman bagkus, ang bawat isa ay katiwala lamang ng mga nilikha ng Diyos upang ito’y pakaingatan at pagyabungin para sa kapakanan ng susunod pang henerasyon.
Batay naman sa pre-pandemic monitoring ng EcoWaste, karaniwan sa mga basurang nakikita sa mga dinarayong simbahan at dambana ay mga plastic bag, bote, styrofoam containers at mga natirang pagkain.