183 total views
Hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo Chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity ang mga mananampalataya na makikiisa sa gaganaping Penitential Walk For Life na huwag magkalat.
Ayon sa Obispo, bilang bahagi ng paninindigan para sa buhay, dapat pigilin ang anumang uri ng gawain ng kamatayan tulad ng pagpatay sa kalikasan.
“Si Hesus ay namatay upang tayo ay mabuhay kaya dapat pigilin natin ang anumang gawain ng kamatayan, na nararanasan natin sa ating buhay at gayun din sa ating lipunan, kaya hinihikayat naming sana ang lahat na makilahok sa magandang gawaing ito nang panahon ng penitensya para sa buhay,” pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bishop Pabillo, bilang bahagi ng pagpepenitensya ay hindi na kailangang magdala ng pagkain ang mga makikilahok sa Penitential Walk upang maiwasan rin ang pagkakalat sa daraanan ng prusisyon.
“Sa ating paglalakbay sikapin sana natin na huwag din tayong magkalat kasi bahagi din ng pagninilay natin sa buhay ay ang kalinisan sa kalikasan kaya paghihikayat ko sa lahat na kung tayo ay maglalakbay huwag tayong magkakalat o mag-iiwan ng mga dumi dahil ang araw na iyon ay araw din ng penitensya, araw ng pag-aayuno kaya hindi nyo kailangan magdala ng mga pagkain ang dadalhin lang natin ay an gating inumin at hwag tayong magkalat sa ating pagpepenitensya so bahagi yun sa paninindigan natin para sa buhay,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ngayong taon inaasahang libo-libong mananampalataya ang makikilahok sa Penitential Walk for Life na pangungunahan ng Radyo Veritas at Archdiocese of Manila.
Magsisimula ang prusisyon sa Plaza Raja Sulayman alas kwatro y medya ng umaga at magtatapos sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion, Manila Cathedral.