184 total views
Inihayag ng Ecowaste Coalition ang ibat ibang uri ng paghahanda upang maging waste free ang undas ngayong taon.
Kabilang dito ang pagtitiyak na walang Lead o Tingga ang gagamiting pintura para sa mga puntod.
Bukod dito, ipinapayo rin ng grupo na huwag gumamit ng mga disposable utensils, sa halip ay magbaon ng mga pinggan, baso at kutsara at hugasan ito matapos gamitin.
Dagdag pa rito, dapat tiyakin na sapat lamang ang ihahandang pagkain na babaunin, dahil ang labis na pagkain ay makadaragdag rin sa basura sa paligid.
Mainam rin ayon sa Ecowaste Coalition, kung mayroong sariling sako o garbage bag ang bawat pamilya na magpupunta sa sementeryo, sa ganitong paraan maaari nilang iuwi ang mga basura at isegregate ang nabubulok sa hindi nabubulok.
Samantala, makabubuti kung hindi scented ang mga kandilang bibilihin dahil ang scented candles ay mayroong kemikal na makasasama sa kalusugan lalo na ng mga bata.
Panghuli, hinihikayat ng grupo ang mga kaanak na dadalaw sa sementeryo na mag-alay ng sariwang mga bulaklak, sa halip na artificial flowers.
Ayon kay Otchie Tolentino – Zero Waste Campaigner ng Ecowaste Coalition, na sa ganitong pamamaraan ay maidadaos ng may pagmamahal at paggalang ang paggunita sa mga minamahal nating yumao.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority noong 2014 ay 139 truckloads ang nakolekta nilang basura katumbas ito ng 834 tons na mga basura mula sa 21 major cemeteries na Metro Manila.
Muli namang ipinaalala ng Ecowaste Coalition, ang mensahe ni Pope Francis sa Laudato Si na pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran at mabuting pangangalaga sa kalikasan.