319 total views
Kailangang magtulungan ang bawat isa upang mabawasan ang duming nalilikha sa Metro Manila araw-araw.
Ayon kay Department of Education Under Secretary for Planning and Field Operations Jesus Mateo, sa loob ng tahanan nagsisimula ang environmental education kung saan dapat matutunan ng mga bata ang pagpapahalaga sa kalikasan.
Inihalimbawa ni Mateo ang pagtuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak na huwag basta na lamang magtapon ng mga basura at iwasan din ang pag-aaksaya ng mga kagamitan upang hindi na makalikha pa ng karagdagang kalat sa paligid.
“Yung maliit na bagay na lang na waste management, makikita natin yung ibang bata pagkakain ng kendi tinatapon lang yung kanilang wrapper kung saan, siyempre may problema itong maidudulot dahil magbabara yung mga kanal, kahit anong gawin ng pamahalaan natin, kung hindi makikipagtulungan ang pamilya, mga kabataan ang lipunan talagang wala, gagastos at gagastos tayo sa paglilinis ng mga drainage,”pahayag ni Mateo sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon sa National Solid Waste Management Commission, noong taong 2013 tayo ay nakalilikha ng 38,092 tonelada ng basura araw-araw, at sa huling pag-aaral noong 2014, nadagdagan pa ang dami ng basura na nagagawa ng mga tao sa 38,757 tonelada.
Matatandaang, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na lubos siyang nababahala sa patuloy na pagdami ng basura sa kamaynilaan na nagdudulot ng labis na polusyon sa hangin at sa katubigan.
Una namang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco ang nakababahalang pagdami ng basura sa daigdig kung saan nagmimistulang malawak na tambakan ng dumi ang buong mundo.