177 total views
Mga Kapanalig, ginunita kahapon, ika-23 ng Setyembre, ang ika-46 na taóng anibersaryo ng pagsasailalim ng diktador na si Ferdinand Marcos sa buong bansa sa batas militar o martial law. Walang dapat ipagdiwang sa araw na iyon, ngunit mahalagang panatilihing nasa diwa nating lahat, lalo na sa mga kabataan, ang madilim na yugtong iyon sa ating kasaysayan. Sabi nga ng manunulat na si George Santayana, “Those who cannot remember the past are condemned to repeat it.”
Ngunit mukhang ganito nga ang nangyayari sa atin ngayon.
Halimbawa, may mga naniniwalang batas militar pa rin ang tutuldok sa problema natin sa kaguluhan sa kanayunan na ugat naman ng terorismo at rebelyon. At nangunguna ang admnistrasyong Duterte sa mga may ganitong pag-iisip. Sa gitna ng napakaraming isyung hinaharap natin araw-araw, huwag nating kalimutang umiiral pa rin ang martial law sa buong Mindanao. Una itong idineklara noong lusubin ng Maute group ang Marawi. At kahit pa sinabing “malaya” na ang lungsod sa banta ng Maute group matapos ang ilang buwang bakbakan, pinalawig pa ng pamahalaan ang martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taóng ito. Hindi tayo magtataka kung i-e-extend pa ito dahil nitong mga nakaraang linggo, sa kabila ng sinasabi ng administrayong bumaba ang krimen sa rehiyon dahil sa martial law, tatlong insidente ng pambobomba ang naganap sa ilang bayan roon. Nangyari ang pinakahuli sa labas ng isang botika sa General Santos City kung saan pitong tao ang nasugatan.
At dahil sa mga pambobombang ito, umiigting ang duda ng ilang kritiko kung may basehan nga ba ang pagdedeklara ng batas militar sa Mindanao. Katwiran minsan ng pamahalaan, mayroong rebelyon o pag-aalsa sa bahaging iyon ng ating bansa kaya may martial law. Kung minsan, ang sasabihin naman nila ay ang banta ng grupong ISIS. Ayon sa mga tutol sa martial law sa Mindanao—dala na rin marahil ng alaala ng malagim na pagpapatupad ng batas militar noong rehimeng Marcos—sapat nang dagdagan ang puwersa ng mga sundalo’t pulis kung nais lamang ng pamahalaang tugisin ang mga itinuturing na kaaway ng estado na nasa Mindanao. Ganito ang ginawa ng nakaraang administrasyon matapos ang masaker sa Mamasapano, Maguindanao.
Hindi rin nililinaw pa ng administrasyon kung bakit kailangang buong Mindanao ang isailalim sa martial law gayong sa ilang lugar lamang naganap ang anila’y rebelyon ng Maute o ang operasyon ng mga grupong kaanib ng ISIS, kung totoo mang naroon sila. Sa isang banda, maraming nagsasabi—mga naninirahan man o dayuhan—na wala namang kaguluhan sa mas malaking bahagi ng Mindanao, at sapat na ang paglalagay ng checkpoints ng pulis o militar sa mahahalagang daanan. Kumbinsido naman ang mga masugid na tagasuporta ng pangulo na mas mapayapa sa kanilang lugar dahil sa martial law; hindi siguro nila nababalitaan ang patuloy na karahasang nagaganap sa mga liblib na lugar na sanhi ng paglikas ng daan-daang pamilya.
Sa huli, nananatili ang tanong na: solusyon nga ba ang batas militar upang panatilihing mapayapa ang mga lugar sa Mindanao na may sigalot? Hindi ba’t ginamit din ni Marcos na dahilan ang banta ng mga komunista upang ideklara ang martial law noon?
Sa halip na kumiling sa militaristikong solsyon sa mga hidwaan at tunggalian, bakit hindi na lang tutukan ng pamahalaan ang unti-unting pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law? Bakit hindi na lang tugunan ang problema ng mga magsasaka at mangingisda upang magkaroon sila ng maayos na kabuhayan? Bakit hindi na lang buwagin ang mga naghahari-hariang angkan doon gayundin ang kanilang private armies?
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope Paul VI, “Kung hangad natin ang kapayapaan, papunyagian natin ang katarungan.” Sa madaling salita, kung namamayani ang katarungan sa isang lipunan, kapayapaan ang iiral sa mga pamayanan.
Sumainyo ang katotohanan.