1,573 total views
Kinondena ng Water for the People Network (WPN) ang pagpapatupad ng water interruption sa gitna ng pinangangambahang epekto ng El Niño Phenomenon sa bansa.
Ayon kay WPN Spokesperson Reginald Vallejos, ang pagkaantala ng tubig ay bunga ng kapabayaan at hindi maayos na serbisyo ng mga water concessionaires.
Tinukoy ni Vallejos ang mga pribadong kumpanya tulad ng Maynilad Water Services, Inc. at Manila Water Company, Inc., gayundin ang mga local water districts sa ilalim ng joint venture agreement.
Iginiit ng WPN na dapat bigyan ng refund ang publiko sa mga pagkaantala sa halip na taasan ang singil sa serbisyo, gayundin ang panawagang ihinto na ang water privitization.
“Bakit palaging isinasapribado, palaging ipinapasa sa private sector ‘yung responsibilidad ng pamahalaan? Nakakalungkot, kasi minsan, hindi man natin sabihin pero ang nangyayari na kapag nasa pribadong kamay na ay profit-oriented na e–dapat kumita. Hindi na para doon sa kapakinabangan talaga ng mas nakararami,” pahayag ni Vallejos sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Matagal nang iminungkahi ng WPN kasama ng iba pang grupo na lumikha ng mga alternatibong mapagkukunan ng tubig kabilang ang rainwater catchment system, pagpapalawig ng paggamit sa Laguna Lake, at water treatment at desalination plants, na patuloy na isinasawalang-bahala.
Mariin ding tinututulan ng grupo ang panukalang pagtatayo ng mga karagdagang mega dam tulad ng New Centennial Water Source kabilang ang Kaliwa at Kanan dam na hindi tugon sa kalagayan ng tubig dahil sa pinsalang idudulot nito sa mga katutubo, pamayanan, at kapaligiran.
“Kapag natuloy po ito, may mga komunidad po na lulubog bagama’t sinasabi nila na “hindi konti lang naman ‘yung mga nakatira d’yan sa mga lugar na ‘yan”. Kaya lang sinasabi po ng mga environmentalist ay ‘yung kabuhayan ‘yung yaman nung mga lugar na ito, kapag gumawa tayo ng dam d’yan masisira. So, sabi natin meron naman tayong existing, nandyan na sila. Mag-invest siguro ang pamahalaan,” ayon kay Vallejos.
Nasasaad sa Caritas in Veritate na ang kalikasan ay biyaya ng Panginoon para sa lahat kaya’t tungkulin ng bawat isa na pangalagaan ito, gayundin ang mga maralita, susunod na henerasyon, at buong sangkatauhan.