1,247 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang mga mananampalataya na ituring ang mga natatanggap na biyaya hindi lamang bilang pagpapala kundi ang mismong presensya ng Diyos.
Ito ang pagninilay ni Cardinal Advincula sa maringal na Misa para sa Dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria sa Minor Basilica and Metropolitan Cathedral of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Ayon sa Cardinal, si Maria ay puspos ng biyaya dahil sa kanyang pagtanggap sa misyon ng pagiging Ina ng ating Diyos at tagapagligtas – ang Panginoong Hesus.
“Mary is full of grace not because she has accumulated all for herself all possessions, powers, and privileges. Rather Mary is full of grace because only God occupies her heart, her mind, her body, her whole being.” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Iginiit naman ni Cardinal Advincula na ang bawat isa ay mayroong misyon na ibahagi ang bawat biyayang natatanggap sa mga higit na nangangailangan.
Sinabi ng Cardinal na ito ang nais ipahiwatig ni Maria nang kanyang tanggapin ang misyon ng pagiging Ina ng Panginoon na kanya namang ibinahagi sa sanlibutan.
“Brothers and sisters, we are all gifted to give and blessed to bless. All graces come with a mission. The graces that fill our lives are meant to also fill the lives of others.” ayon sa Cardinal.
Ang Mahal na Birhen ng Inmaculada Concepcion ang patrona ng Manila Cathedral at buong Pilipinas.
Ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika ang Immaculate Conception na kabilang sa mga dogma o aral tungkol kay Maria na nagpapaliwanag na ang Mahal na Birheng Maria ay ipinaglihi at isinalang nang walang salang orihinal.
Tinagurian ang Pilipinas bilang Pueblo Amante de Maria dahil sa masidhing pamimintuho ng mga Filipino sa Mahal na Birhen bilang masintahing ina ng Panginoong Hesus at ng sanlibutan.