155 total views
Muling ipinaalala ng World Health Organization ang maaaring maging side effects ng COVID-19 vaccine sa katawan ng tao kapag natanggap ang bakuna.
Ayon sa WHO, saglit lamang nararamdaman ang side effects, ngunit kapag ito’y lumala makalipas ang 24 na oras o nagpatuloy pa, agad na magpakonsulta sa doktor upang agad itong maagapan.
Maaaring maramdaman pagkatapos na mabakunahan ang pagkapagod at pananakit ng ulo, lagnat, panginginig, at pagkirot o pamamaga sa bahagi ng braso kung saan binakunahan.
Makakatulong naman upang maibsan ang mga sintomas na ito sa pag-inom ng Paracetamol, Ibuprofen, Aspirin at Antihistamines, ngunit mas makabubuting magpakonsulta muna sa eksperto bago uminom nito.
Gayunman, paulit-ulit pa ring ipinapaalala sa publiko na bagamat nabakunahan na, mahalaga pa rin ang mahigpit na pagsunod sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, physical at social distancing, at paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol o sanitizer bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Batay sa huling tala, umabot na sa halos pitong milyong doses na ng vaccine ang naipamahagi sa buong bansa, higit pang malayo sa inaasahang herd immunity na layong mabakunahan ang nasa 50-milyon hanggang 70-milyong indibidwal sa katapusan ng taon.
Patuloy namang panawagan ng pamahalaan na magpabakuna na ang lahat bilang karagdagang proteksyon laban sa COVID-19.
Nakikipagtulungan din ang Simbahang Katolika sa vaccination program ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapagamit sa mga pasilidad ng mga simbahan bilang vaccination sites, gayundin ang pagsasagawa ng information dissemination hinggil sa COVID-19 vaccine upang mapaigting ang vaccine confidence ng publiko.