168 total views
Ang naging hakbang ng pamahalaan na mag-withdraw ang Pilipinas sa Rome Statute na siyang Treaty o tratadong lumikha sa International Criminal Court (ICC) ay nagpapakita sa indikasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging isang authoritarian leader.
Ayon kay Fr. Jerome Secillano – Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, ang Rome Statute ay binuo para sa mga despotic at authoritarian ruler upang maiwasan ang diktadurya at pang-aabuso ng mga opisyal ng pamahalaan sa kanilang posisyon at katungkulan.
“Pinapakita rin nito na yung tendency din ng ating Pangulo na talagang maging authoritarian in the sense na ‘walang dapat sa akin na nakikialam dito, so ako lang ang leader dito ako dapat ang masusunod dito, kayo hindi naman kayo taga rito huwag niyo akong pakialaman. Kaya yung Rome Statute ginawa yan para sa mga despotic ruler at sa mga authoritarian ruler kung ganun ang pananaw ng ating Pangulo na authoritarian, malinaw na dapat walang sumasaklaw sa kanyang pamamaraan ng kanyang pagiging leader…” pahayag ni Father Secillano sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang inihayag ng Pari na mayroong bakas ng pagkabahala sa kasalukuyang nakahaing kaso sa International Criminal Court (ICC) ang naging hakbang ni Pangulong Duterte sa pagwithdraw ng bansa sa Rome Statute na siyang Treaty o tratadong lumikha ng ICC.
Ayon sa Pari, kapansin-pansin sa naging hakbang ng pamahalaan ang pagkabahala sa imbestigasyon ng I-C-C na isang independent organization na hindi basta maaring maimpluwensyahan ng sinuman kayat mas minarapat ng Pangulo na tuluyang mag-withdraw sa kasunduang nagbuo dito.
Taong 1998, nilikha ang ICC bilang unang permanent international court, upang imbestigahan at usigin ang mga sangkot sa genocide, crimes against humanity, war crimes at crime of aggression.
Agosto taong 2011 matapos na maratipikahan ng Senado ang naturang tratado ay naging opisyal na ika-117 state party ang Pilipinas sa Rome Statute.
Sa inilabas na pahayag ni Pangulong Duterte kinundina nito ang international bias ng United Nations Special Rapporteurs na pumupuna at pinalalabas na marahas at lumalabag sa karapatang pantao ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Dahil dito sa oras na maging epektibo na ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ay inaasahan na rin ang pag-alis sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa bansa kung saan may kasalukuyang nakasampang kaso laban sa madugong implementasyon ng War on Drugs ng pamahalaan.
Nauna nang nanindigan ang Simbahan na kinakailangang mapanagot ang mga may kaugnayan sa pagkamatay ng higit 13-libong indbidwal sa gitna ng kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.