317 total views
Mas maraming empleyado ang nagnanais na magkaroon ng work-life balance. Bago pa magpandemya, marami na ang nakaramdam nito. Dahil sa tagal ng traffic kasi noon, maraming Filipino ang naaubusan na ng oras para sa kanilang mga sariling interes at para sa kanilang mga pamilya.
Nung nagsimula na ang pandemya, maraming mga empleyado ang nagsimula na rin mag work from home. Sa una, malaking tipid sa oras at pamasahe ang nabigay ng ganitong set-up. Sa kalaunan, matinding kapaguran din ang nabigay nito sa maraming empleyado. Ayon nga sa Microsoft’s 2021 Work Trend Index, tinatago ng mataas ng productivity ngayong pandemya ang kapaguran o exhaustion ng mga empleyado. Ayon sa pag-aaral na ito, tatlo sa limang Filipinong empleyado sa bansa ay overworked at nakakaranas ng burnout o exhaustion.
Ngayong pabalik na ang mga empleyado sa kani-kanilang mga opisina, sasalubong naman sa kanila ay traffic at napakamahal na presyo ng gasolina. Pagod at stress din ang kanilang matatamo. Paano na ang ordinaryong empleyado?
Kapanalig, ito ang mainam na panahaon upang tayo ay maka-pag-isip ng tamang paraan o approach sa sitwasyon ng ating mga manggagawa ngayon. Lahat tayo ay dapat makaranas ng work-life balance o ang sapat at makabuluhang panahon para sa ating trabaho at para sa ating sariling buhay. Kadalasan, nakakaligtaan ito ng marami, at naitatali na natin ang kahulugan ng ating pagkatao sa ating trabaho. Nakakalimutan na natin bigyan ng panahon ang ating relasyon hindi lamang sa ating pamilya at mga kaibigan, kundi pati sa ating sarili at sa Diyos. Sa haba ng ating panahon na ginugugol sa trabaho, wala na tayong panahon para sa ibang bagay. Minsan nga, sa haba ng ating trabaho at pagod sa kaiisip nito, pati mga mas flexible na opportunities o pagkakataon upang ating maisulong ang sariling kagalingan at kasanayan ay napapalampas natin. Pati panahon para sa pagmamahal sa ating kaanak, hindi na natin maramdamam o maibigay. Binubulag tayo nito sa mga bagay na mas malalim, mas makabuluhan, at mas angkop sa ating dignidad bilang nagmamahal at nag-iisip na nilalang ng Diyos.
Ang ganitong uri ng buhay ay nagdadala ng malalim na kapaguran at kalungkutan, kanapalig. Hindi lamang kasi katawan natin ang napapagod sa traffic tungo at pabalik sa trabaho, sa haba, dami at bigat ng trabaho, at sa kadalasang bitin na sweldo. Napapagod din ang ating isip at puso. Tinatanggal nito ang esensya ng ating buhay. We need to rethink our work lifestyles, kapanalig. Ang mga lider ng industriya ay kailangang buksan ang kanilang mga mata. Kailangan nila makita na mas sustainable ang mga negosyo kung ang mga mangagawa nito ay buo at holistic ang development. Wala tayong maibubugang matino kung karamihan sa atin ay sunog o burnt-out na.
Pakinggan natin ang mga kataga mula sa Sacramentum Caritatis: Work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity and must always serve the common good. At the same time, it is indispensable that people not allow themselves to be enslaved by work or to idolize it, claiming to find in it the ultimate and definitive meaning of life.
Sumainyo ang Katotohanan.