173 total views
Hindi ginawa ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mandato nito na makapagbigay ng scientific, logical at research based information.
Ito ang binigyang diin ng labor group na Federation of Free Workers kaugnay sa pahayag ng ahensya na sapat ang P10,000 budget para mabuhay ang isang pamilyang mayroong limang miyembro sa loob ng isang buwan.
Iginiit ni Julius Cainglet – Vice President for Media Advocacy Networking ng FFW,na kinukondisyon lamang ng NEDA ang isipan ng mga mangmang upang maigiit na hindi na kinakailangan ng mga manggagawa ang dagdag sahod .
“Hindi ginawa ng NEDA yung kanyang papel na magprovide ng scientific, logical at research based information that would guide policy maker kasi parang ginagawa lang nila itong paghahanda kapag nanghingi na ng umento sa sahod ang mga manggagawa ang sasabihin nila ‘tama na ang P10,000 bakit pa kayo manghihingi ng dagdag…” pahayag ni Cainglet sa panayam sa Radyo Veritas.
Paliwanag pa ni Cainglet, nakakainsulto para sa mga manggagawa ang pahayag ng NEDA kahit pa nilinaw ng ahensya na hypothetical lamang ang naturang halaga at komputasyon.
“ang pananaw po namin hindi pinag-isipang mabuti bago irealease ng NEDA yung kanilang statement kasi the way they wanted to explain it much later sabi nila ay hypothetical lang naman, pero kahit na sabihin na ganun yung kanilang justification ay its quite offensive to a lot of workers para sabihan ka na that would be enough lalo na kapag titingnan yung binanggit nilang figure…” Dagdag pa ni Julius Cainglet.
Naging kontrobersyal ang naging pahayag ng NEDA patungkol sa 10-libong budget ng isang pamilyang may 5-miyembro sa isang buwan na pinuna at batikos ng mga mamamayan.
Lumilitaw na kung susumahin ay tanging P25.06 lamang ang magiging budget ng bawat isa para sa pagkain kada araw.
Nabatid na dalawang itlog at tatlong pandesal o dalawang noodles at tatlong pandesal ang mabibili sa 25-pesos na budget computation ng NEDA.
Samantalang noong 2016 ay una ng inihayag ng NEDA na kakailanganin ng halos 120-libong piso na gross monthly income para magkaroon ng kumportableng pamumuhay ang isang pamilya na may 4 na miyembro na sapat upang magkaroon ng isang sasakyan at mapag-aral sa kolehiyo ang mga anak.
Ayon nga kay Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ay ang pagkakaroon ng isang marangal na trabaho na may karampatang sahod at benepisyo sa kanilang paggawa upang maitaguyod ng may buong dignidad ang kanilang buong pamilya.