208 total views
Hinikayat ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang publiko na ibahagi ang kanilang mga sarili sa misyon ng pagtulong sa kapwa ngayong panahon ng kuwaresma.
Kasabay ng paghahanda ng Diocese of Borongan sa sa isasagawang Alay Kapwa launching sa Visayas Region bukas, sinabi ni Bishop Varquez na mahalagang matutunan ng bawat Kristiyano na ang panahon ng kuwaresma ay hindi lamang ginugunita sa pamamagitan ng pag-aayuno gaya ng fasting o abstinence ngunit ito rin ay panahon ng pag-aalay ng sarili sa ibang nangangailangan.
Ayon sa Obispo, obligasyon ng mga katoliko ang pagkakaroon ng “works of charity”.
“Napakahalaga nito dahil ito ay concrete expression of our faith, tayo ay nakikialam o concern sa ating kapwa tao lalo’t higit sa mga nangailangan kaya maganda ang program na ito ng Simbahan, merong awareness na dinadala sa mga tao about our obligation, our works of charity to people na walang oportunidad at hindi pa nakaka-ahon na mamuhay sila na tunay na mga tao na may dignidad.” pahayag ni Bishop Varquez sa panayam ng Damay Kapanalig.
Magugunitang ang Alay Kapwa ay isang programa ng Simbahang Katolika kung saan nagsasagawa ng second collection ang mga parokya at ang pondo na nalilikom mula dito ay siyang ginagamit para itugon sa pangangailangan ng mga naaapektuhan ng mga kalamidad at kahirapan.
“Ang Alay Kapwa talagang ni-launch ito sa panahon ng kuwaresma, ang Simbahan nagpapa-alala sa atin nna tayo ay manalangin, magninilay sa ating buhay bilang kristiyano at the same time yun ating fasting at abstinence form of sacrifice we can share what we have to [our] less fortunate brothers and sisters yun kasi ang spirit of fasting and abstinence, sacrifice.” dagdag pa ng Obispo ng Borongan, Eastern Samar.
Matatandaang taong 2013 ng maranasan ng Eastern Samar ang pananalasa ng bagyong Yolanda kung saan 7 libo ang tinatayang bilang ng nasawi.
Sa pamamagitan ng Alay Kapwa program at iba pang organisasyon ng Simbahang katolika, nagkaloob ito ng mahigit sa 1 bilyong pisong tulong para sa mga naapektuhan ng nasabing Super Typhoon.
Nauna rito, nanawagan ang Diocese of Kalookan sa taumbayan na suportahan ang programa ng Simbahan ngayong kuwaresma.
See: http://www.veritas846.ph/diocese-ng-kalookan-nanawagan-ng-suporta-sa-alay-kapwa/
(Rowel Garcia)