455 total views
Habambuhay may ‘pag-asa’ sa tulong nina Hesus na ating Panginoon at Mahal na Birheng Maria.
Ito ang mensahe ni Fr. Anton CT. Pascual, Executive Director ng Caritas Manila sa paggunita ng World Day of the Sick kasabay ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes.
Ayon kay Fr. Pascual na bagamat’t apektado ang lahat sa pandemya, hindi ito ang dapat maging dahilan na mawalan ng pag-asa, bagkus ay isipin na tutulungan tayo ng Panginoon.
“Huwag kayong mawalan ng pag-asa. Habambuhay may pag-asa at inaasahan po natin na tutulungan tayo ng Panginoon na pagalingin sa pandemyang ito at makaahon ng may pananalig, katatagan, at pagkakaisa,” bahagi ng mensahe ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Hinimok naman ng pari ang lahat na palagiang isama sa panalangin ang medical frontliners na patuloy na nagbibigay ng tulong-medikal sa lahat ng mga may karamdaman lalo’t higit ang mga nahawaan ng virus.
Dalangin naman ni Fr. Pascual na nawa’y gamitin ng Panginoon ang mga tagapaghatid ng lunas upang ibsan ang pagdurusa ng mga may sakit.
“Ipagdasal din natin ang lahat ng mga medical frontliners, mga doktor, nurses, medical assistance, na direktang tumutulong sa lahat ng may sakit. Gamitin kayo ng Panginoon upang paghimalaan ang mga may sakit at sila’y gumaling sa ngalan ni Hesukristo na ating Divine Worker and Divine Healer,” ayon kay Fr. Pascual.
Sa mensahe ni Pope Francis, hinihimok ang pagbuo ng landas patungo sa kagalingan na nagmumula sa nagtitiwala at interpersonal na ugnayan sa pagitan ng mga may sakit at ng mga nangangalaga sa kanila.
Taong 1992 nang sinimulan ni Pope John Paul II ang paggunita sa World Day of the Sick bilang pagpapakita ng suporta at pag-aalay ng panalangin sa mga may karamdaman at sa masigasig na mga tagapag-alaga.