87,749 total views
Mga Kapanalig, sa tindi ng kalbaryong dinaranas natin dahil sa matinding trapiko, hindi na nakapagtatakang nasungkit ng Metro Manila ang titulong “worst traffic in the world” noong 2023. Ayon sa TomTom International BV, isang multinational traffic data provider, ang karaniwang biyahe ng mga motorista sa Metro Manila ay inaabot ng 25 minutes and 30 seconds sa bawat sampung kilometro. Tumaas ito ng 50 seconds kumpara noong 2022. Ang araw na may pinakamatinding trapiko ay noong ika-15 ng Disyembre, kasagsagan ng holiday rush.
Kasabay ng balitang ito ang pagbubunyi ng car industry dahil sa pagdami ng mga nabenta nilang sasakyan at paglampas nila sa kanilang sales forecast noong 2023. Ayon sa datos ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines, Inc. (o CAMPI) at Truck Manufacturers Association (o TMA), tumaas ng 21.9% ang mga nabentang bagong sasakyan sa bansa. Mula sa mahigit 350,000 units na nabenta noong 2022, umakyat ito sa halos 430,000 na units noong 2023. Lampas ito sa sales forecast nilang 423,000 units para sa 2023.
Malalim ang pagkakaugnay ng dalawang balitang ito. Isa sa pangunahing sanhi ng matinding trapiko ay ang napakaraming sasakyan sa mga lansangan. Kaugnay nito ang kakulangan sa pampublikong transportasyon at imprastraktura ng iba pang transport modes gaya ng pagbibisikleta. Dahil sa kakulangang ito, marami ang gustong bumili na lamang ng sasakyan o gumamit ng ride-hailing services. Lahat ng ito ay nakaugat sa tinatawag na car-centric culture natin, kung saan ang mga patakaran at imprastraktura—pati na ang pananaw ng marami sa atin ukol sa transportasyon—ay mas binibigyang-prayoridad ang mga pribadong sasakyan. Nananatili ang kulturang ito dahil na rin sa mga korporasyon, negosyante, at mambabatas na may interes o kaya naman ay bahagi mismo ng car industry. Kasama na rito ang mga negosyong may kinalaman sa pagpapatayo ng mga kalsadang katulad ng expressways.
Marami rin sa atin ang naniniwalang kailangan pa nating dagdagan ang mga kalsada upang mapaluwag ang trapiko. Ngunit sa pagdagdag natin ng mga kalsada, mas nahihikayat ang mga motoristang gamitin ang kanilang sasakyan. Nagreresulta ito sa pagdami pa lalo ng mga sasakyan at pagtindi ng trapiko. Ito ang tinatawag na induced demand.
Sa Pilipinas, ang pagkakaroon ng kotse ay isang simbolo ng pag-angat sa buhay at katayuan sa lipunan. Para sa car industry, ang pagdami ng mga sasakyan ay nagpapahiwatig ng daw ng pag-unlad ng ekonomiya. Ngunit palagi nating tatanungin: sino nga ba ang tunay na nakikinabang sa sinasabing pag-unlad na ito? Sa Laudato Si’, sinabi ni Pope Francis na malaki ang kinalaman sa kalidad ng buhay sa kalunsuran ang sistema ng transportasyon. Nagiging kalbaryo ang sistemang ito para sa mga mananakay dahil sa traffic congestion at polusyong dulot ng mga sasakyan.
Nabanggit na natin sa mga nakaraang editoryal ang car-centric culture. Gayunpaman, mahalagang ipaalala natin ito dahil ang pagbabago ng kultura ay nagsisimula sa sarili. Kapag tayo ay nasa pribadong sasakyan at naiipit tayo sa matinding trapiko, alalahanin nating tayo mismo ay parte ng trapiko. Isulong sana natin ang pagpapabuti sa pampublikong transportasyon. Siguruhin nating walang tsuper ang maiiwan sa modernisasyon ng public utility vehicles. Panagutin natin ang mga opisyales na nag-aastang VIP sa EDSA bus lane. Ipanawagan natin ang pagdagdag ng mga parke sa halip na mga kalsada at parking spaces. Ipaglaban natin ang pagtatayo ng mga protected bike lanes at ligtas na mga sidewalks upang maisulong ang active transport.
Mga Kapanalig, sa pagsulong ng kabutihang panlahat o common good, sabay-sabay nating baguhin ang status quo sa sistema ng transportasyon. Gaya ng wika sa Galacia 6:2, “magtulungan [t]ayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa.”
Sumainyo ang katotohanan.