2,909 total views
Pinuri ng Alyansa Tigil Mina ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa ilegal na pagmimina sa Sibuyan Island, Romblon.
Ito ay ang inilabas na Writ of Kalikasan laban sa Department of Environment and Natural Resources, Mines and Geosciences Bureau, at Altai Philippines Mining Corporation (APMC) upang panagutin sa mga pinsala sa kalikasan dulot ng pagmimina.
Hakbang din ito ng Supreme Court upang tiyakin ang karapatan ng mamamayan ng Sibuyan Island sa pagkakaroon ng ligtas at malusog na kapaligiran.
Pinuri naman ni ATM national coordinator Jaybee Garganera ang mga residente ng isla dahil sa matatag na paninindigan laban sa mapaminsalang pagmimina.
Umaasa si Garganera na tuluyan nang makamit ng mga residente ng Sibuyan ang tuluyang pagpapawalang bisa sa kasunduan sa pagmimina ng APMC sa itinuturing na “Galapagos of Asia”.
“Their petition to the Supreme Court that has now yielded positive gains reinforces their firm resistance on the ground. We hope that in the coming days, their fight to protect the “Galapagos of Asia” would eventually result in the cancellation of Altai Mining’s Mineral Production Sharing Agreement (MPSA),” pahayag ni Garganera.
Tiniyak naman ng grupo ang patuloy na pagsuporta sa mga adhikain ng mamamayan ng Sibuyan upang tuluyang mapigilan ang anumang proyektong makasisira sa isla.
Nangako rin ang ATM na patuloy na ipagtatanggol ang karapatan ng kalikasan at mamamayan sa pamamagitan ng pakikipagdiyalogo sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at publiko laban sa negatibong epekto ng mapaminsalang pagmimina.
“We further vow to exhaust all possible actions, including support to legal remedies and policy measures, to end destructive mining in communities,” giit ni Garganera.
Magugunita noong Pebrero 3, 2023 nang bahagyang magkaroon ng kaguluhan sa pagitan ng mga residente ng Sibuyan at APMC nang sapilitang dumaan sa barikada at nagresulta sa dalawang sugatang indibidwal.
Nananatili naman ang paninindigan ng Diocese of Romblon upang tutulan ang mapaminsalang pagmimina sa Sibuyan Island, at nangakong patuloy na isasabuhay at isusulong ang pagiging mabubuting katiwala ng sangnilkha ng Diyos.