491 total views
Muling inaanyayahan ng World Wide Fund for Nature – Philippines ang mamamayang Filipino na makibahagi sa taunang pagdiriwang ng Earth Hour na may temang “Shape Our Future”.
Muli itong isasagawa sa pamamagitan ng online sa March 26, 2022 kung saan sa ganap na alas-8:30 ng gabi ay sabay-sabay na papatayin ang lahat ng mga ilaw at kagamitang de kuryente sa loob ng isang oras.
Sa media launching ng Earth Hour 2022, sinabi ni Attorney Angela Ibay, WWF-Philippines Climate and Energy Program Head na sa pamamagitan ng Earth Hour, mahihikayat nito ang bawat Pilipino na ipahayag ang mga boses na makakatulong upang mapangalagaan ang inang kalikasan at mahubog nang wasto ang kinabukasan ng lipunan.
“We want people to lend their voices as we’re shaping our future, and hopefully, we’ll be changing the ending for the positive – for both people and the planet,” pahayag ni Ibay.
Napapanahon din ang pagdiriwang ng Earth Hour ngayong nalalapit na Eleksyon dahil magsisilbi itong inspirasyon sa pagbuo ng kolektibong pagkilos para sa kalikasan.
Ito’y sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kamalayan partikular na sa mga usaping dapat na pagtuunan ng pansin ng bawat mamamayan lalong-lalo na ng mga lider ng bansa.
“It is for the Filipino voters, for the sake of our children, to let our leaders know that nature is important to you so that it will be important to them,” ayon kay WWF-Philippines Executive Director Katherine Custodio.
Magugunita noong nakaraang taon nang ipagdiwang din ang Earth Hour na may temang “Speak Up for Nature” na hinikayat naman ang mamamayan na ipahayag at ipagtanggol ang karapatan ng kalikasan upang ipabatid sa bawat pinuno ng mga bansa ang pangangalaga at pagpapahalaga na matagal nang hinaing ng ating nag-iisang tahanan.
15 taon nang isinasagawa ang Earth Hour sa iba’t ibang bahagi ng mundo na unang inilunsad noong 2007 sa Sydney, Australia, at 2008 naman sa Pilipinas.