175 total views
Hinamon ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga delegado sa World Youth Day na gamitin ang pagkakataon upang higit na makilala si Hesus.
Ipinagdarasal ni Bangued Abra Bishop Leopoldo Jaucian, pinuno ng Episcopal Commission on Youth na makakatagpo ng mga dadalo sa WYD 2019 si Hesus sa kanilang paglalakbay at nakahandang sundin ang kalooban ng Panginoon.
“As we journey to Panama, probably we ask the Lord where do you live so that this journey to Panama become a personal encounter with the Lord Jesus to know Him more, to love Him,” mensahe ni Bishop Jaucian.
Sang-ayon sa tema ng W-Y-D ngayong taon na “I am the servant of the Lord. May it be done to me according to your word,” na hango mula sa Ebanghelyo ni San Lukas Kabanata 1 talata 38 kung saan buong pusong tinanggap ng Mahal na Birheng Maria ang ninanais ng Diyos Ama na maglilihi kay Hesukristo na maging tagapagligtas ng sanlibutan.
Inaasahan ng Obispo na maging buo rin ang kalooban ng mga kabataan na tumugon sa misyon ng Panginoon na maging katuwang ang bawat isa sa pagpapalaganap ng katotohanan.
Sinabi ni Bishop Jaucian na hindi dapat matakot ang kabataan sa pagtugon sa kalooban ng Diyos sapagkat patuloy itong gumagabay sa lahat ng pagkakataon.
Unang ibinahagi ni Rev. Fr. Conegundo Garganta, Executive Secretary ng kumisyon na nasa 250 Filipinong kabataan ang dadalo sa World Youth Day 2019 sa Panama sa ika-22 hanggang ika-27 ng Enero kabilang ang ilang Pari at Obispo.
Read: 250 kabataang Filipino, dadalo sa 2019 World Youth Day
Sa Pilipinas kung saan ipinagdiriwang ang Year of the Youth ngayong taon ay hinimok ng Simbahang Katolika ang mga kabataan na maging aktibong kasapi sa bawat parokya upang maging kaisa sa pagmimisyon ng Simbahan lalo’t nalalapit ang ikalimang sentenaryo ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021.