229 total views
March 4, 2020 10:53AM
Umaapela ang pinunong pastol ng Military Ordinariate of the Philippines sa mamamayan partikular sa sandatahang lakas ng bansa at makakaliwang grupo na panibaguhin ang puso tungo sa kapayapaan.
Ayon kay Military Bishop Oscar Jaime Florencio, mahirap abutin ang kapayapaan kung namamayani sa puso ng bawat isa ang poot na ugat ng hindi pagkakaunawaan.
“First thing that really to do ngayong kuwaresma is to know that peace comes from a change and renewed heart,” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na makakamtan ang paninibago sa puso ng tao sa pamamagitan ng pagsunod sa mga Salita ng Diyos at pakikinig sa mga aral ng Panginoon na ipinalalaganap ng Simbahan.
Mahalagang paigtingin ng bawat ang isa ang pananalangin na magpatibay sa pundasyon ng pananampalataya ng tao na susi ng pagkakasundo, pagkakaisa at maging daan sa minimithing kapayapaan.
Bukod dito ay ipadama rin sa kapwa ang pagmamahal sa pamamagitan ng kawanggawa sapagkat mahalaga sa komunidad ang pagtutulungan at malasakit sa isa’t-isa.
“Being charitable to others, brings a kind of heart that we have, ang pagmamahalan kasi kung walang pagmamahal imposible ang pagkakaroon ng kapayapaan,” ani ng obispo.
Magugunitang 1969 nang magsimulang mag-aklas ang Communist Party of the Philippines – New Peoples’ Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) laban sa pamahalaan at isinusulong ang pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Kaya’t patuloy ang panawagan ng Simbahang Katolika na pairalin ang pagkakasundo sa pagitan ng pamahalaan at makakaliwang grupo upang tuluyang mawakasan ang higit limang dekadang pakikibaka.
Paalala ni Bishop Florencio sa Armed Forces of the Philippines at rebeldeng grupo na bahagi sa iisang pamilya ang bawat isa sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw.
“Para sa AFP at maging sa mga rebelde, we belong to one family, we are brothers and sisters and we belong to one objective; peace and happiness,” giit ni Bishop Florencio.
Binigyang diin ni Bishop Florencio na walang maidudulot na kabutihan ang pakikipagdigma at hindi rin ito ang susi upang malutas ang hindi pagkakasundo.
Patuloy ang panawagan ng Simbahan sa magkabilang panig na bigyang pansin ang pag-uusap tungo sa kapayapaan upang maresolba ang anumang hinaing na dapat tugunan.