407 total views
Mga Kapanalig, ayon sa pinakahuling crony-capitalism index ng pahayagang The Economist, pang-apat ang Pilipinas sa mga bansa kung saan namamayagpag ang pagyaman ng mga negosyanteng malapít sa mga nasa pamahalaan. Kabilang sa tinatawag na mga crony sectors ang mga negosyong lantad sa rent-seeking o pagmamanipula ng mga may-ari sa mga patakaran at kalagayang pang-ekonomiya ng bansa gamit ang kanilang mga koneksyon sa pamahalaan. Ilan sa mga negosyong ito ay mga bangko, casino, minahan, at construction companies.
Ayon pa sa report, nasa kamay ng mga bilyonaryo sa Pilipinas ang 10% ng gross domestic product o kabuuang kita ng mga Pilipino dito sa bansa noong 2021. Halos 80% ng kayamanan ng mga bilyonaryong ito ay mula sa mga nabanggit na crony sectors. Nangyayari ang pangangamkam ng yamang ito sa pamamagitan ng mga kontratang lamáng ang mga industriyang nabanggit at ng pagkakaroon ng mga cartel na interes ng iilan lamang ang inuuna. Binanggit din ng The Economist na nangyayari ang mga ganitong proseso ng panlalamang dahil pinahihintulutan ang mga ito ng mga batas at mga tuntunin ng pamahalaan.
Sa likod ng kasaganahan ng iilan ay ang matinding kahirapang nararanasan ng maraming Pilipino. Ayon sa Philippine Institute for Development studies (o PIDS), 22% o isa sa limang pamilyang Pilipino ang kumikita ng mas mababa sa itinakdang poverty line na ₱10,481 kada buwan para sa isang pamilyang may limang miyembro. Nasa 35% naman ang maituturing na nasa lower-income class o kumikita ng lambas sa sampung libo piso hanggang sa halos 21,000 piso kada buwan. Sa kabuuan, 57% ng populasyon ng Pilipinas ay maituturing na mahirap. Samantala, 40% ang nasa lower at upper middle class o mga kumikita ng lampas dalawampung libong piso hanggang halos 126,000 piso kada buwan; 2% ang nasa upper class na kumikita ng hanggang halos ₱210,000 kada buwan; at 1% lamang o halos 143,000 pamilya ang maituturing na mayaman o kumikita ng higit sa halos ₱210,000 kada buwan.
Malinaw na sinasabi sa Roma 2:11 na “ang Diyos ay walang kinikilingan.” Dito rin nakaugnay ang turo ng Simbahang may pantay na dignidad ang bawat nilalang ng Diyos. Lahat ay nilikhang kawangis Niya anumang estado o katayuan natin sa buhay. Dahil dito, maituturing na kawalan ng katarungan ang hindi makataong buhay o kahirapang dinaranas ng napakarami sa atin.
Hinihimok tayo ng mga panlipunang turo ng Simbahan na kilalanin ang dignidad ng bawat tao nang maging posible ang sama-samang pagkamit ng kaunlaran. Upang magawa ito, kailangan ang pagtatangi sa mga dukha at mga isinasantabi sa lipunan—o option for the poor—hindi dahil mas may dignidad sila kaysa sa iba, kundi dahil biktima sila ng hindi pagkakapantay-pantay sa ating lipunan. Nariyan ang sahod na kulang upang makapamuhay nang marangal ang mga manggagawa, ang minamadaling pagbubukas ng ekonomiya nang walang sapat na proteksyon sa mga lokal na industriya at maliliit na negosyo, at ang mga kontratang pumapabor sa iilang industriya at interes na nauuwi sa crony capitalism. Dagdag pa sa mga ito ang katiwaliang ninanakaw ang pondong para dapat sa maayos na mga serbisyo ng pamahaalaan katulad ng mga ospital at paaralang pinakikinabangan din sana ng mahihirap.
Mga Kapanalig, hindi kulang ang yaman ng mundo. Hindi lang pinagbabahaginan ang mga ito nang wasto. Umpisahan nating baguhin ito sa pamamagitan ng pagtingin sa ating kapwa bilang ating kapantay upang higit nating maunawaan ang kawalan ng katarungan sa lipunan. Gamitin natin ang eleksyon bilang isang pagkakataon upang magkaroon tayo ng mahusay at makataong pamamahalan na isasaalang-alang ang kapakanan ng lahat. Marami ang nabubuhay sa karukhaan, samantalang iilan ang nagpapakasasa sa yaman ng mundo. Tumulong tayong baguhin ito.