265 total views
Mga Kapanalig, nakababahala ang pagdagsa ang mga namimilí sa Divisoria sa Maynila ilang araw bago sumapit ang Pasko. Siksikan na ang mga tindahan na para bang katulad ng dati nang nakagawian—lamang, nakasuot ang mga tao ng face masks at face shields.
Ang ganitong siksikang mga lugar ang dapat nating iniiwasan lalo pa’t patuloy pa rin ang banta ng COVID-19. Bagamat unti-unti na ngang pinaluluwag ang mga restrictions sa pagkilos ng mga tao dito sa Metro Manila kung saan umiiral pa rin ang general community quarantine (o GCQ), hindi pa rin tayo dapat magpakakampante. Hindi natin dapat maliitin ang banta ng nakamamatay na sakit kahit pa sinasabing bumababa na ang bilang ng mga nahahawahan nito. Hindi katulad noong mga nakaraang buwan, mas mababa sa 2,000 ang kasong naitatala bawat araw, at ang mabilis na pagdami ng COVID-19 cases ay nangyayari sa labas ng Metro Manila.
Ngunit ang naiisip na tugon ng pamahalaan para iwasan ng mga tao ang magkumpulan sa Divisoria ay ang pagtatalaga ng mga pulis na may bitbit na isang metrong yantok. Ayon kay Joint Task Force COVID-19 Shield chief Lieutenant General Cesar Binag ng Philippine National Police (o PNP), gagamitin ng mga tinatawag nilang social distancing patrol ang yantok upang tiyaking may physical distancing ang mga tao sa mga pampublikong lugar na katulad ng Divisoria. Panakot din daw ito sa mga “pasaway”—“pamalo na rin doon sa matitigas ang ulo,” paliwanag ng opisyal.[1] Iniutos daw ito ni PNP Chief Debold Sinas, na kung inyong matatandaan ay sumuway din sa health protocols nang hindi niya sinuway ang mga pulis at bisita niyang nagsagawa ng “mañanita” noong kaarawan niya.
Nakalulungkot na pananakot at pananakit ang naiisip nating mga solusyon sa isang problemang pangkalusugan. Maaaring may mga kababayan tayong sadyang hindi iindahin ang panganib para lamang makapaghanapbuhay o makapamili, ngunit kung tunay na naipauunawa sa kanilang delikado pa rin ang lumabas at magkumpulan, sila na mismo ang magdadalawang-isip na makipagsiksikan sa mga pamilihang katulad ng Divisoria. Kung nakikita nilang maski ang mga nasa pamahalaan ay sumusunod sa mga ipinatutupad nitong mga regulasyon, sila na mismo ang magbabantay sa kanilang sarili upang maprotektahan ang kanilang sarili at ang iba kapag sila ay nasa labas. Kung malinaw lamang ang mga patakaran ng pamahalaan at tinitiyak ng mga tagapagpatupad na ito na walang exempted sa mga ito, wala nang magiging palusot ang mga sinasabing matitigas ang ulo.
Natatandaan ba ninyo ang isang taga-Taguig noong Marso na naglalaba sa labas ng kanilang bahay, ngunit agad na sinita at pinalo ng yantok ng kapitang napadaan sa kanila?[2] Ganito rin ba ang gustong mangyari ng PNP? Samantala, ang mga pulitiko, opisyal ng pamahalaan, at mga sikat na personalidad na lumalabas at nagiging dahilan ng mass gathering ay hinahayaan lamang at hindi napananagot. Hindi sa sinasabi nating kailangan din silang makatikim ng pamamalo; ang disiplinang hinahanap ng pamahalaan sa publiko ay dapat na nakikita rin natin sa ating mga pinuno.
Umalma na ang Commission on Human Rights (o CHR) sa paggamit ng puwersa at mga solusyong magpapahiya at magdudulot ng trauma sa mga tao upang tugunan ang pandemya.[3] Ang pananakit bilang paraan ng pagdidisiplina ay bunga ng isang kultura ng karahasan, isang kulturang nais nating buwagin bilang Simbahan. Ang karahasan ay hindi solusyon kundi patunay ng ating mga kabiguan bilang isang lipunan.[4] Paano natin matutuldukan ang karasahan kung ito mismo ang ginagawang solusyon sa ating mga problema, kahit pa sa isang pangkalusugang krisis?
Mga Kapanalig, wika nga sa Roma 14:19, “lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan…” Hindi ito magagawa kung ang solusyon natin ay nakasalalay sa isang yantok.
Sumainyo ang katotohanan.