448 total views
Inaanyayahan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na makiisa sa paglulunsad ng Year of Missio Ad Gentes.
Ayon kay Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission, ito ang paksa ng ikasiyam na taong paghahanda para sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Paliwanag ng obispo na nais ng simbahang mas mapaigting ang pakikilahok ng mananampalataya sa pagsasagawa ng misyon ni Hesus na ipalaganap ang mga Salita ng Diyos sa sambayanan.
“Inaanyayahan ang lahat na makiisa sa launching ng Year of Missio Ad Gentes; nais ng simbahan sa pagdiriwang na ito na maging masigasig tayo sa ating misyon alinsunod sa habilin ni Hesus bago umakyat sa langit na humayo at ipahayag ang Mabuting Balita,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radio Veritas.
Taong 2013 nang magsimula ang siyam na taong paghahanda sa 500 Years of Christianity sa pamamagitan ng paglunsad noon ng Year of the Integral Faith Formation.
Dahil sa pandemya, ayon kay Bishop Mesiona ay gaganapin online ang grand launching ng Missio Ad Gentes sa ika-28 ng Nobyembre alas-tres ng hapon na matutunghayan sa Facebook Page ng CBCP Episcopal Commission on Mission, Radyo Veritas PH, CBCP at iba pang social media pages ng simbahan.
Una nang naglunsad ng katesismo ang CBCP hinggil sa pagmimisyon noong Oktubre at ipinagpapatuloy ito lalo na ngayong taon ng misyon.
Hinimok ng obispo ang mananampalataya na subaybayan ang mga katesismo tuwing ikalawang sabado ng buwan upang higit pang mapalalim ang kamalayan ng bawat isa hinggil sa misyon ng simbahan.
Ilan sa mga tampok na gawain ngayong Taon ng Misyon ang online webinar series at ang Pista ng Misyon na inaasahang gaganapin sa 2021.
Ikinagalak din ni Bishop Mesiona ang pagkakaroon ng kauna-unahang mission parish ng Archdiocese of Jaro, Iloilo sa Kenya Africa nitong Nobyembre lamang sa gitna ng krisis pangkalusugang dulot ng corona virus pandemic.
Aniya, ito ay nagpapatunay na mas lumaganap ang pagmimisyon ng simbahan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba pang bahagi ng daigdig na konkretong pagsasabuhay sa Missio Ad Gentes o Mission to the Nations.
“Nakatutuwa na ang Archdiocese ng Jaro ay nakapag-adopt ng mission parish sa Africa, patunay lamang ito na buhay ang misyon ng simbahan hindi lamang sa Pilipinas kasama na rin ang iba pang bansa,” dagdag ng obispo.
Sa ilalim ng pangangalaga ng arkdiyosesis ang Holy Family Parish sa Turkana, Kaaleng Village sa Kenya sa ilalim ng Diocese of Lodwar na pamamahalaan nina Fr. Peter John Guarin atFr. Alfone Marie Berbegal na mula sa Arkidiyosesis ng Jaro.
Kinilala rin ni Bishop Mesiona ang mahigit sampung milyong Overseas Filipino Workers na tinaguriang misyonero ng makabagong panahon na nagtatrabaho sa iba’t ibang panig ng daigdig na nagpapalaganap din ng mga salita ng Panginoon.