951 total views
Ipinaalala ni Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona na si Hesus ang pinakamahalagang kaloob na natanggap ng sanlibutan mula sa Panginoon.
Ito ang pagninilay ng obispo sa ikapitong taon ng ‘Bugsayan’ na ipinagdiriwang ng Apostolic Vicariate of Puerto Princesa tuwing ika-30 ng Nobyembre.
Tampok sa pagninilay ni Bishop Mesiona ang regalo ng pananampalataya na tinatamasa ng bawat isa lalo na ng mga Filipino.
“Si Hesus na bugtong na Anak ng Diyos ay isang magandang regalo na ibigay sa atin dahil sa dakilang pag-ibig ng Panginoon sa sangkatauhan; a pure gift and the only motive is love,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Mesiona.
Ipinaliwanag ni Bishop Mesiona na napakaganda ng pagbabahaginan ng regalo na nagpapatibay sa relasyon sa isa’t-isa at nagpapalalim ng pakikipagkapwa-tao.
Tampok sa ‘Bugsayan’ ngayong taon ang paghahanda sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na ipagdiriwang sa susunod na taon habang ika-400 taon naman ng Krsitiyanismo sa lalawigan sa 2023.
Iginiit ni Bishop Mesiona na kaakibat ng pagtanggap sa regalo ng pananampalataya ay ang hamon na ibahagi rin ito sa kapwa lalo na sa mga mahina ang ugnayan sa Diyos.
“Hamon para sa ating tumanggap ng regalo ng pananampalataya na ibahagi rin ito sa kapwa; sa mga hindi pa nakakikilala sa Panginoon, hindi pa tumanggap sa Diyos at hindi pa nakararanas ng pagmamahal mula sa Diyos,” dagdag pahayag ni Bishop Mesiona.
Dahil sa kasalukuyang pandemya, isinagawa ang taunang ‘Bugsayan’ online kung saan nagbahagi ng pagninilay si Lingayen – Dagupan Archbishop Socrates Villegas.
Ang pagdiriwang ay tanda ng pagsara ng bikaryato sa Year of Ecumenism, Interreligious Dialogue and Indigenous Peoples at pagbubukas naman para sa Year of Mission Ad Gentes or Mission to the Nations – ang ikasiyam na paksa sa paghahanda ng ika – 500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.