168 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng pagsisimula noong nakaraang Martes ng bagong taon ng mga kapatid nating Tsino—na batay sa kanilang kultura ay tinatawag na “Year of the Pig”—nagbiro si Senador Ping Lacson na ang taóng ito ay dapat tawaging “Year of the Pork Barrel.” Babala niya, sa halip na swerte, utang ang dala ng taóng 2019 sa mga Pilipino. Kung hahatiin daw ang kabuuang utang na ito sa buong populasyon natin, magkakautang ang bawat isa sa atin ng ₱71,000. Sa kanyang pagbusisi sa panukalang pambansang budget para sa 2019, nakita raw ni Senador Lacson ang milyun-milyong halaga ng mga proyekto ng bawat kongresista—₱160 million daw bawat isa. Inamin naman ni House Majority Leader Fredenil Castro na may mungkahi nga sa Mababang Kapulungan na paglaanan ang bawat distrito ng ganitong kalaking halaga, ngunit itinanggi niyang pork barrel iyon.
Labag sa Saligang Batas ang pork barrel, na kilala rin sa pormal na termino nitong Priority Development Assistance Fund o PDAF. Maliban dito, pangunahing paraan ng katiwalian at pagnanakaw ng mga mambabatas ang paggamit ng pork barrel. Hindi ba’t kaya nga nakulong ang ilang senador at personalidad dahil sa paglalaan ng kanilang pork barrel sa mga pekeng NGOs at napunta naman sa kanilang mga bulsa ang mga pondo? Lubha ring malaki ang ₱160 million para sa mga proyektong isiningit lamang ng mga mambabatas sa panukalang bugdet nang hindi ipinapaalám sa mga ahensya at departamentong magsasakatuparan ng mga ito. Nakapagtatakang wala tayong naririnig mula kay Pangulong Duterte tungkol sa nangangamoy na anomalyang ito. Dahil ba mga kakampi niya ang mga mambabatas na nagsingit ng kani-kanilang proyekto sa panukalang budget?
Kung hindi pa sapat ang lantarang pagbalewala sa tinatawag nating “transparency” sa pagbubuo ng pambansang budget para sa taóng ito, heto at may panukala rin ang mga nasa Mababang Kapulungan na gawing mas mahigpit daw ang pagkuha natin ng kopya ng kanilang statements of assets, liabilities and net worth o SALN. Ayon muli kay House Majority Leader Fredenil Castro, karapatan daw nilang pangalagaan ang kanilang sarili laban sa mga manggagantso o swindlers, mga sindikato, mga mangingikil o extortionists, at mga teroristang grupo. Paniwala niya, maaari raw gamitin ng mga taong ito ang kanilang SALN upang i-blackmail sila. Kung papatulan ng Kongreso ang panukalang ito, kailangang makuha ng isang humihingi ng kopya ng SALN ng isang mambabatas ang permiso ng lahat ng kasapi ng Mababang Kapulungan. Hindi ba taliwas ito sa hangarin ng administrasyong Duterte na maging bukás sa mga mamamayan ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanilang mga tagapaglingkod sa pamahalaan? Muli, wala tayong narinig na maanghang na salita mula sa pangulong nagsasabing galit na galit sa korapsyon.
Gaya ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, nakaatang ang pagtiyak ng kabutihan at kapakanan ng lahat—o ng common good—hindi lamang sa bawat isa sa atin kundi sa mga nagpapatakbo ng ating pamahalaan. Ang common good ang dahilan kung bakit nariyan ang pamahalaan. Tungkulin ng mga nagpapatakbo nitong ibigay sa mga mamamayan ang mga bagay na makatutulong sa kanilang paglago at pag-unlad bilang mga tao. Hindi ito mangyayari kung inuuna nila ang kanilang interes sa pagbubuo, halimbawa, ng pambansang budget. Salungat sa kanilang tungkulin ang pagtatago nila ng mahahalagang impormasyon tungkol sa kanilang mga pag-aari at ang pag-iwas sa pagsisiyasat tungkol sa kanilang pamumuhay habang naglilingkod sa bayan.
Sa huli, mga Kapanalig, nakaatang sa ating mga mamamayan ang tungkuling papanagutin ang mga taong nangangasiwa ng ating pinagpagurang buwis. Tungkulin din nating tawagin ang atensyon ng mga nagpapatakbo ng mahahalagang institusyon—ang pamahalaan, ang media, maging ang simbahan—kung inililihim nila ang mga dapat na nalalaman ng mga tao.
Sumainyo ang katotohanan.