623 total views
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng misa sa pagtatapos ng Year of the Parish: Communion of Communities at ang pagbubukas naman ng pagdiriwang ng simbahan ng Year of the Clergy and Consecrated Persons: Renewed Servant Leaders for the New Evangelization sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate Manila.
Ayon kay Cardinal Tagle hindi nagtatapos ang Year of the Parish sa pagsisimula ng Year of the Clergy bagkus ito ay magkaugnay sa pagmimisyon ng simbahan sa komunidad na bahagi ng paghahanda sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng kristiyanismo sa Pilipinas sa taong 2021.
Giit ni Cardinal Tagle, mahalaga ang pagbubuklod at pagbabahagi ng mga biyaya na siyang pakahulugan ng pagmimisyon sa kapwa na nagbubunga ng ebanghelisasyon sa maraming tao.
“Sana, tuloy tayong lahat na siyasatin kung ano ang ating natatanggap para maibahagi sa sambayanan,” ang bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Kabilang din sa nagconcelebrate sa misa si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo at mga pari ng Archdiocese ng Manila.
Inilunsad din sa pagdiriwang ang official themesong na “Father bless them” na isinulat ni Fr. Carlo Magno Marcelo.
Tinatayang may higit sa 3,000 katao na kinatawan ng 13 vicariate ng Archdiocese of Manila ang nakiisa sa pagdiriwang.
Ang arkidiyosesis ay may 1,131 na pari na siyang nangangasiwa sa 13 vicariate na binubuo ng 86 na simbahan.