187 total views
Bibisitahin ng kanyang kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, pangulo ng Caritas Internationalis ang mga pamilya na naapektuhan ng bagyong Yolanda sa lalawigan ng Samar.
Bilang Pangulo ng Caritas Internationalis, makikisalamuha si Cardinal Tagle sa mga residente ng Basey, Samar na tinulungang makabangon ng Simbahan Katolika matapos ang pananalasa ng super typhoon tatlong taon na ang nakakalipas.
Pangungunahan din ni Cardinal Tagle ang pagdiriwang ng banal na misa ganap na alas otso y medya ng umaga sa St. Michael De Archangel Parish bago magtungo sa mga lugar kung saan nagkaroon ng proyekto ang iba’t-ibang Caritas Organization.
Magkakaroon din ng pagpupulong ang mga Caritas Organization sa lugar kasama si Cardinal Tagle.
Pangungunahan Caritas Philippines ang pagbabahagi ng ulat sa naging tugon ng Simbahang Katolika sa mga naapektuhan ng bagyong Yolanda sa loob ng mahigit tatlong taon.
Batay sa datos ng Caritas Philippines, mahigit sa 3.2-bilyong piso ang inilaan nitong tulong para makabangon ang mga residenteng apektado ng bagyo sa siyam na Diyosesis o lalawigan sa bansa.