413 total views
Ito ang mensahe ni Manila Archbishop at Caritas Internationalis President Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homiliya sa banal na misa sa St.Michael de Archangel parish, Basey, Samar sa Diocese of Calbayog na dinaluhan ng mga Yolanda survivors, mga Obispo, mga Social Action Centers ng Simbahang Katolika at mga representative ng iba’t-ibang Caritas Internationalis organizations.
“Mga minamahal na Kapanalig sa Panginoong Hesu-Kristo, ito po si Cardinal Chito Tagle ng Archdiocese Of Manila at nandito po kami ngayon sa parokya ng St. Michael De Archangel sa Basey, Samar na bahagi Diocese of Calbayog. Kaya po kami nandito dahil ang ibat-ibang local na dioceses na may social action, pati ang mga Caritas na galing sa ibat-ibang bansa na tumulong sa rehabilitation ng mga community na nasira at nasalanta ng bagyong Yolanda. Ngayon po ay sinasara, tinatapos ang tatlong taon ng rehabilitation.”mensahe ni Cardinal Tagle
Ang pagpunta ni Cardinal Tagle sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda ay selebrasyon ng pasasalamat para sa mga survivors na nagpakita ng lakas ng loob gayundin sa ibat-ibang organisasyon ng Simbahan na tumulong para makatayong muli ang mga biktima ng kalamidad.
Inihayag ni Cardinal Tagle na ang pagbangon ng Yolanda survivors ay pagpapakita sa lakas ng pagtutulungan.
“Ito po ay isang pagpapakita ng lakas ng pagtutulungan, kung papaano ang pagtutulungan ay nagbibigay ng hindi lamang materyal na tulong kundi ng kinakailangang lakas ng loob, pag-asa sa mga taong dumaraan sa mga pagsubok. Kitang kita ko yan sa mga survivors, hindi lang sila talaga survivors, sila po ay nakatayo at sila naman ngayon ay nagsisikap na ang kanilang buhay ay buuin”.bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Binigyan diin ni Cardinal Tagle na ang pagbangon muli ng Yolanda survivors ay pagdiriwang ng pasasalamat
at affirmation na tunay ang pag-ibig ay magbabago sa mundo.
“Ito ay pagdiriwang ng pasasalamat at affirmation na tunay ang pag-ibig magbabago ang mundo. Kapag may tunay na pag-ibig may pag-asa. Sana po itong araw ay maging mensahe at umalingawngaw sa buong Pilipinas at buong daigdig.”pahayag ni Cardinal Tagle
Ipinagdarasal ng kanyang Kabunyian na ang himig ng pag-ibig ay pumalit sa mga sumira ng buhay at ang lakas
ng pagtutulungan ay pumalit sa mga injustice,diskriminasyon at maling paggamit ng poder ng kapangyarihan.
“Sana ang himig ng pag-ibig ang pumalit sa mga sumisira sa buhay. Sana ang pagpapasalamat at pagtanaw ng utang na loob ang pumalit sa mga bakbakan, sa mga sisihan at hindi magagandang salita na ibinabato sa kapwa. Sana ang lakas ng pagtutulungan ang siyang pumalit sa lakad ng huwad ng inhustisya, diskriminasyon at maling paggamit ng poder.”mensahe ni Cardinal Tagle