195 total views
Inilunsad ng Archdiocese of Palo, Leyte ang kampanya para tumulong sa mga biktima ng lindol sa Mindanao region.
Ito ay kasabay na rin ng paggunita ng buong arkidiyosesis ng Palo sa ika-6 na taon ng pananalasa ng bagyong Yolanda na naganap ika-8 ng Nobyembre 2013.
Ayon kay Fr. Alcris Badana, director ng Relief and Rehabilitation Unit ng Archdiocese ng Palo, Leyte, ang hakbang ay isang paraan din ng pasasalamat sa mga taga-Mindanao sa kanilang ginawang malasakit noong panahong ang lalawigan ay naharap sa matinding hamon dulot ng malakas na bagyo.
“We have a special activity, launching din ng campaign to help naman ang mga kapatid natin na naapektuhan ng lindol sa Mindanao. But in the Archdiocese of Palo right after the news, nagkaroon kami ng campaign for all the parishes to have a special collection for this intention. Knowing na Mindanao they also help us after the typhoon Haiyan (Yolanda) maraming diyosesis sa Mindnao na tumulong sa amin. So this time it is our turn also to extend help,” ayon kay Fr. Badana.
Bilang paggunita naman sa nakaraang sakuna, sinabi ni Fr. Badana na bawat parokya ng arkidiyosesis ay nagdiwang ng misa bilang pag-alaala sa lahat ng mga yumao dulot ng bagyo.
Isang prusisyon din ang idinaos bago ang misa patungo sa mga mass graves sa iba’t ibang bayan para basbasan ang mga nasawi.
Sinabi naman ng pari na sa kabila ng trahedya na dulot ng bagyong Yolanda ay higit na lumalim ang pananampalataya ng mga taga-Palo, Leyte.
Dagdag ng pari, tuloy-tuloy pa rin ang mga programa at proyekto ng arkidiyosesis sa tulong ng iba’t ibang institusyong ng simbahan para sa patuloy na pagbangon ng lalawigan anim na taon makalipas ang trahedya.
Sa tala ng National Disasters Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), may 6,300 katao ang nasawi dulot ng trahedya kung saan aabot sa 9.5 milyong residente ang naapektuhan lalu na sa bahagi ng Eastern Visayas.