821 total views
Inihabilin ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown sa mga bagong ordinang pari ng Diyosesis ng Maasin ang tungkulin na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa Panginoon sa araw-araw na pagtupad ng misyon.
Ayon sa Arsobispo, bagamat pinili ng Panginoon na maglingkod sa bayan mahalagang maging gabay din ang mga pari sa mananampalatayang mapalapit sa Diyos.
“God has chosen you, but you need to choose God every day by being men of prayer,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Brown.
Pinuri ng Nuncio ang presbyteral ordination sa 12 diakono na ginanap sa Limasawa Island, ang lugar kung saan isinagawa ang kauna-unahang pagdiriwang ng Banal na Misa March 1521.
Sinabi ni Archbishop Brown na ito ay buhay na saksi ng pananampalataya ng mga Filipino sa nakalipas na 500 taon ng kristiyanismo sa bansa sa patuloy na paglaganap ng bokasyon ng pagpapari, pagmamadre at pagiging kasapi sa relihiyosong komunidad.
Sa paggunita ng ika-501 anibersaryo sa unang misa sa Limasawa Island pinangunahan ni Archbishop Brown ang banal na misa at commissioning sa 500 lay eucharistic minister’s ng Diyosesis.
Bukod dito pangungunahan din ng Nuncio ang pagbabasbas sa GK Village kasama si Bishop Precioso Cantillas at mga pari.
Noong 2021 sa paggunita ng Ikalimang Sentenaryo ng Kristiyanismo sa bansa pinangunahan din ng nuncio ang mga pagdiriwang sa Limasawa Island at Cebu ang mga lugar kung saan sumibol ang pananampalatayang Kristiyano noong 1521.