1,944 total views
Nananawagan ang Caceres Youth Commission sa mga mananampalataya ng Archdiocese of Caceres para magsilbing foster families sa mga kabataang delegado ng Marian Youth Congress sa Arkidiyosesis ng Caceres.
Hinihikayat ng arkidiyosesis ang mga pamilya lalo na sa mga lugar sa Naga City, Canaman at Camaligan na buksan ang kanilang tahanan sa mga kabataan na dadalo sa pagtitipon na gaganapin sa September 9-10.
Bukod sa dalawang araw na pansamantalang tutuluyan, kabilang sa magiging tungkulin ng foster families ang paghahanda ng pagkain at pakikisalo sa mga delegado; pakikibahagi sa pananalangin at pagninilay ng mga kabataan; at ang pagbabahagi ng mga bagong karanasan mula sa iba’t ibang lugar sa arkidiyosesis.
Una ng inihayag ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona na ang Marian Youth Congress ay isang paanyaya sa mga kabataan na magsama-sama upang manalangin, at higit na pag-alabin ang pananampalataya at debosyon sa Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos.
“Isang importante, mahalaga at banal na pagdiriwang ang gagawin natin sa September 9 to 10, 2023 ang Marian Youth Congress. Ang Marian Youth Congress ay paanyaya ng Mahal na Birhen na tayong mga kabataan magsama-sama upang manalangin, damahin natin ang ating Mahal na Birhen bilang Ina, isang Inang gumagabay.” Ang bahagi ng pahayag ni Archbishop Tirona.
Ayon sa Arsobispo, ang dalawang araw na pagtitipon ay isang pagkakataon upang mapagbuklod ang mga kabataan sa arkidiyosesis na imulat ang kanilang kamalayan sa mahalagang gampanin hindi lamang sa lipunan kundi bilang katuwang ng Simbahan sa misyon na palaganapin ang kaharian ng Panginoon.
“Panahon din ito na muli nating isipin, akuin, tanggapin at isagawa ang hamon sa atin ng Simbahan na tayo’y maging mga apostol, alagad… lalong lalo na sa ating mga kapwa kabataan.” Dagdag pa ni Archbishop Tirona.
Ang taunang Marian Youth Congress ng Arkidiyosesis ng Caceres ay bahagi ng paggunita sa Kapistahan ng Mahal na Ina ng Peñafrancia na Patron ng Bicol region.
Tema ng 2023 Peñafrancia Fiesta ang “Journeying with Inâ in deepening our relationship with God in these challenging times” na layuning paigtingin ang debosyon sa Mahal na Ina ng Peñafrancia bilang katuwang at kaagapay sa higit na paglapit sa Panginoon.
Ang Nuestra Señora De Peñafrancia ang itinuturing na patron ng Bicol region kung saan nakalagak ang canonically crowned image ng Mahal na Ina sa National Shrine and Basilica Minore of Our Lady of Peñafrancia sa Naga City.