181 total views
Pakikipagkaisa at pakipamuhay ng bawat isa sa kabila ng pagkakaiba ng lahi at kultura.
Ito ang layunin ng World Camp kung saan magtitipon ang mga youth leaders na mula sa iba’t ibang bansa upang gumawa ng mga proyektong makatutulong sa mga komunidad.
Ayon kay Marie Guttierez, coordinator ng Chiro Pilipinas ang katuwang ng World Camp, isasagawa ang iba’t ibang gawain ng mga kalahok sa mga piling lugar sa lalawigan ng Bicol, Cebu, Nueva Viscaya, Rizal, Samar at Metro Manila.
Tema ngayong taon ang ‘You and Me, Building E-Community”.
Nakatuon ang kanilang mga proyekto sa pagkakamit ng malinis, maayos at kaaya-ayang kapaligiran kung saan ito ay akma sa panawagan ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa ensiklikal na Laudato Si na pangalagaan ang kalikasan.
“This is to ask young people to choose wisely wherever they buy anything, as much as possible po avoid styro kasi we should able to think also of this things when organizing our activities so that we can help preserve our planet for our future generations.” bahagi ng pahayag ni Guttierez sa Radio Veritas.
Bibigyang diin ng ikawalong edisyon ng World Camp na malaki ang maitutulong ng bawat isa sa pagprotekta at pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pagbago ng mga nakasanayang pagkonsumo ng mga kagamitang nakasisira sa kalikasan.
Pormal na binuksan ang World Camp noong Sabado ika – 28 ng Hulyo sa Bukal ng Tipan sa Taytay Rizal sa pamamagitan ng Banal na Misang pinangunahan ni Legazpi Bishop Joel Baylon.
21 araw mananatili ang grupo na binubuo ng 50 kabataan sa mga foster families na pinili upang makisalamuha sa mamamayan ng komunidad.
Ang World Camp na inorganisa ng FIMCAP, the federation of catholic parochial youth movements ay umiikot sa buong mundo at ginaganap tuwing ikatatlong taon na nagsimula noong 1992.
Sa Pilipinas, ito na ang ikalawang pagkakataon na ginanap ang World Camp, kung saan una itong ginanap sa bansa noong 2003.
Samantala, ang Chiro Pilipinas ay grupo ng mga kabataan na kinikilala ng CBCP – Episcopal Commission on Youth.