395 total views
September 26, 2020-11:45am
Pinangunahan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang virtual celebration ng ika-67 anibersaryo ng Caritas Manila.
Sa homiliya ng Obispo sa misang ginanap sa Caritas Manila compound ay binigyang pagkilala at pasasalamat ang malaking bahaging ginagampanan ng mga benefactors at volunteers upang makapagpaabot ng tulong ang social arm ng simbahan sa mga nangangailangan sa lipunan.
“Kung nagagawa po ng Caritas Manila ang kanyang mga programa ito po ay dahil sa maraming mga benefactors na naniniwala sa gawaing kabutihan na ginagawa ng Caritas Manila kaya maraming Salamat po, so nandyan po ang mga benefactors na nagbibigay ng tulong, nandyan po ang mga volunteers na sila naman ang nagbibigay sa mga nangangailangan sa mga tulong na tinatanggap natin,” ang bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Giit ng obispo, hindi matatawaran ang dedikasyon na ginagampanan ng mga volunteer ng Caritas Manila na hindi lamang panahon ang inilaan kundi maging ang pagharap sa panganib sa kalusugan upang makapagbahagi ng tulong sa mga apektado ng krisis na dulot ng pandemic Coronavirus Disease 2019 sa bansa.
“Dahil po sa mga volunteers na yan naaabot po natin ang mga mahihirap kaya mahalaga po ang papel ng ating mga volunteers at ako po ay nagpapasalamat sa kanila, sa paglaan nila hindi lang ng kanilang panahon ngunit sa pagtataya nila ng kanilang kalusugan para makatulong sa kapwa kasi kailangan natin maabot yung mga tao,” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Nanawagan naman ang Obispo para sa pangangailangan ng Caritas Manila ng mga kabataang volunteers dahil sa limitasyon na dulot ng banta ng COVID-19 sa mga mas nakatatanda na karaniwang mga volunteer ng Caritas Manila.
Ayon kay Bishop Pabillo, marami pang mga programa ang Caritas Manila na nangangailangan ng tulong ng mga volunteers upang ganap na maisagawa para sa mga nangangailangan lalo na ngayong patuloy na humaharap ang bansa sa krisis na epekto ng pandemya.
“Ngayong panahon ng pandemic kailangan natin ng mga mas bata bata pa kaya ito’y panawagan sa mga volunteers natin ngayon maghanap pa kayo ng ibang mga volunteers na mga kabataan lalong lalo na yung ibang may edad na maghanap tayo ng kapalit sa ating paglilingkod marami po tayong mga programa, maraming kailangang abutin kaya patuloy pong pangangailangan natin ng mga volunteer,” panawagan ni Bishop Pabillo.
Pinangunahan rin ni Bishop Pabillo katuwang si Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual ang Ritwal ng Pagtatalaga ng mga Lingkod na may 3,000 volunteers ng Caritas Manila kung saan karamihan ay nakibahagi sa pamamagitan ng pagtutok sa virtual celebration dahil na rin sa mga limitasyon sa ilalim ng General Community Quarantine.
Tema sa pagdiriwang ngayong taon ang ‘Thriving In Crisis Through Faith And Charity’ bilang pagkilala sa misyon ng institusyon na patuloy na makapagkaloob ng tulong sa mga nangangailangan sa kabila ng panganib na dulot ng COVID-19.
Sa nakalipas na 67 taon pinalalawig pa ng social arm ng Archdiocese of Manila ang mga programa tulad ng Caritas Margins, Restorative Justice Ministry, Segunda Mana at Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP na nagpapaaral sa mahigit 5,000 scholar sa buong Pilipinas.