2,130 total views
Muling nabiktima ng international hacking group ang livestreaming account ng Radio Veritas.
Ayon kay Roymark Gutierrez, Social Media Manager ng himpilan, alas 6:59 ng gabi ng January 29 nang pasukin ng grupo ang Veritas 846 Livestream Youtube Channel at ma-access ang email na [email protected].
“Wala kaming natanggap na login notification, nalaman namin na na-hack nung 12 midnight mass nang hindi na ma-access ang Youtube channel para sa streaming ng misa gayundin sa ibang device kung saan naka login ang email,” pahayag ni Gutierrez sa Radio Veritas.
Agad nagsagawa ng hakbang si Gutierrez kasama ang isang I.T expert para mabawi ito subalit bigong ma-recover ang account dahil inalis ng hacker ang recovery method.
Sa ginawang assessment ng eksperto natukoy ang Internet Protocol o IP location sa bansang Russia.
Payo ng I.T expert sa publiko na maging mapagmatyag sa paggamit ng internet lalo na sa unverified source na mga link bilang pag-iingat.
Magugunitang January 31, 2016 nang ma-hack ng international group ang Facebook Page ng Radio Veritas.
Bagamat ikinalungkot ni Radio Veritas Vice President Fr. Roy Bellen ang insidente, umaapela ito sa mga Kapanalig na suportahan ang back up channel ng himpilan upang patuloy masubaybayan ang mga banal na misa at iba pang programa.
“In the meantime, we inform the followers of the said Youtube channel to transfer and follow our live streaming via this backup channel: VERITAS PH LIVE STREAM. We hope for your understanding and continued support to our Catholic Station in its mission of Evangelization using the Media. Let us remain steadfast in proclaiming the TRUTH amidst these trials and difficulties,” ani Fr. Bellen.
Batay sa datos Data Reportal halos limang bilyong katao sa buong mundo ang gumagamit ng internet na maaring lantad sa panganib kabilang na ang hacking.