1,354 total views
Ito na ang minimithi nina Rodeliza Compra isang katekista ng Diocese ng Ipil at Jennes Badan ng Diocese ng Tagbilaran na kapwa scholar ng Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila.
Sa panayam ng Radio Veritas, sinabi ni Rodeliza na hindi niya inakala na makakatuntong siya ng kolehiyo dahil na rin sa kahirapan sa buhay bagama’t naging posible ito nang matanggap siya sa YSLEP.
Sa kasalukuyan ay dean’s lister si Rodeliza at nasa 3rd year college at kumukuha ng BS Computer Science.
“Tulungan nyo po kaming mga mahihirap na maabot ang pangarap naming, kahit sa simpleng tulong, o maliit man. Marami na pong mga bata ang makikinabang at malayo ang mararating. Salamat po sa mga donors/benefactors ng Caritas YSLEP dahil sa inyo ay nagkaroon kami ng chance na maabot ang pangarap namin. Sa inyong magandang kalooban na pagtulong, napakalaking tulong po ang inyong financial support at nawa ay hindi kayo magsawa sa pagtulong,” ang pahayag ni Rodeliza.
Nagpapasalamat din ang isang dating kasambahay at kasalukuyang nag-aaral ng Business Administration and Financial Management sa Surigao State University.
Ayon kay Jennes, matapos ang kaniyang pag-aaral sa high school ay namasukan muna siya bilang kasambahay at tumutulong din sa kumbento ng mga madre na siyang naging daan sa kaniya para makapasok sa Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila.
“Pagtapos ko po ng high school, pumasok po muna akong kasambahay for 2 years. At the same time po every Saturday ng hapon tumutulong po ako sa madre, naglilinis at gardening. Duon ko po nalaman ang YSLEP.
Para po sa mga donors, nagpapasalamat po kami sa mga tulong. Sana po marami mga estudyante ang mabibigyan ng pagkakataon na makapasok sa YSLEP scholarship. Salamat po sa lahat lahat,” ayon kay Jennes.
Si Jennes ay kasalukuyan ay incoming 4th year student na kabilang sa limang libong mga scholars ng Caritas YSLEP.
Nitong 2018, may higit sa walong daan ang nagtapos ng kolehiyo sa YSLEP program habang patuloy naman na kumakalap ng karagdagang pondo ang Caritas Manila sa pakikipagtulungan ng Radio Veritas 846 ang Back to School Telethon para sa limang libong scholars.
Ayon kay Caritas Manila executive director Rev. Fr. Anton CT Pascual, hindi hadlang ang kahirapan para sa pagtatapos lalo’t nagtulong-tulong ang lahat para matustusan ang pag-aaral ng mga mahihirap na estudyante na nais na makapag-aral at makapagtapos.
Sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority noong 2013 sa kabuang bilang na 36 million na estudyante, apat na milyon sa mga ito ang hindi nakakapag-aral.
Ang Caritas YSLEP ay naglalaan ng P25 libo sa bawat scholar kada taon.