219 total views
Hindi lamang mahalaga ang edukasyon sa mga kabataan, kundi ito ay biyaya rin sa ating bansa para makaahon sa kahirapan ang pamilyang Filipino.
Ayon kay CBCP Episcopal Commission on the Laity chairman Bishop Broderick Pabillo, ang pagbibigay edukasyon sa mga kabataang naghihirap lalo na ‘yung may angking galing at talino ang pinaka-mabisang programa para makaahon ang kanilang pamilya mula sa kahirapan.
Pahayag pa ng obispo, ang edukasyon din ang magtataas sa mga kabataan lalo na ng mahihirap ng kanilang at magkakaroon sila ng sapat na kaalaman para sa pagdedesisyon ng tama.
“Ang edukasyon ay hindi lamang mahalaga sa kabataan, mahalaga din ‘yan para sa ating bansa, mahalaga din ‘yan para sa pagpapaahon sa mga tao mula sa kahirapan, pinaka-sure na programa para makaahon ang mga tao sa kahirapan ay ang pagtatapos sa pag-aaral, edukasyon ng mga tao sapagkat pag well-educated sila lalo na sa ating panahon which is a society of knowledge, mas makakatulong sila sa kanilang pamilya, hindi sila madadala mabobola ng mga tao at makakagawa sila ng mga maayos na desisyon.” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radyo Veritas.
Sinabi pa ni Bishop Pabillo na mahalaga din ang ginagawang Youth Servant Leadership and Education Program (YSLEP) ng Caritas Manila dahil sa pagbibigay din nito ng values sa mga kabataan upang maging mabuting mga pinuno o youth leaders sila sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Aniya, bagamat may katagalan ang pagpapaaral, kapag natapos naman ang kabataan, panghabambuhay na itong grasya sa kanila, sa kanilang pamilya at sa bansa.
“Kaya napakahalaga itong pagpapa-scholar natin kaya ang YSLEP program natin hindi lamang natin sila pinaaaral ngunit pina follow up din, binibigyan ng ng values, ginagawang youth leaders, ‘yan po ay mahalaga para sa ating bansa at sa ating mahihirap, ang problema lang ang edukasyon ay long shot long run na pagtulong hindi panandalian pero talagang tatagal naman.” Ayon pa sa obispo.
Kamakailan, mahigit sa 600 mga kabataan na pinaaaral ng Caritas Manila sa ilalim ng YSLEP ang nagtapos sa kanilang pag-aaral.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 5,000 ang scholars ng YSLEP ng Caritas Manila.