216 total views
Hiniling ng grupo ng magsasaka sa Pamahalaan ang zero budget para sa Department of National Defense.
Sa pahayag na inilabas ng National Federation of Peasant Women, iginiit ng grupo ang hindi paglaanan ng pondo sa ahensya dahil sa maraming paglabag sa karapatang pantao na kinasangkutan ng mga sundalo sa bansa.
Ayon kay Zenaida Soriano pinuno ng grupo, malinaw ang naging polisiya ng pamahalaan laban sa mga magsasaka na inaakusahang kasapi ng New People’s Army.
“Duterte Administration’s budget allocation for the Department of National Defense (DND) certifies its status as a ‘Killing Machine’ targeting farmer Families and Communities.” pahayag ng grupo.
Magugunitang mahigit sa 34 na porsiyento ang itinaas sa proposed budget ng DND para sa taong 2019 na mula sa kasalukuyang P136.5 bilyong piso ay magiging P183.4 bilyong piso ito sa susunod na taon.
Ang DND ang ikaapat na ahensya ng pamahalaan na may pinakamalaking budget allocation.
Samantala, sa pagtaya ng grupong Karapatan at Tanggol Magsasaka umabot na sa 150 mga magsasaka ang napaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte kabilang ang 22 magsasakang kababaihan at 5 menor de edad.
Kinundena rin ng grupo ang patuloy na militarisasyon sa komunidad ng mga Lumad sa Mindanao kung saan higit nang naapektuhan ang mga kabataang nag-aaral.
Ayon sa Save Our Schools Mindanao, mahigit 1, 000 estudyante at 76 na mga guro ang napilitang lisanin ang lugar sa 18 forced evacuations na ipinatutupad.
“Winawasak din ng Gobyernong Duterte kahit ang simpleng mga pangarap ng mga kabataang Lumad at kanilang mga magulang na makapag-aral para panatilihin silang mangmang at tanggapin na lamang ang pagkasira ng kanilang kabuhayan at iasa ang kanilang kinabukasan sa pagpasok ng mga malalaking negosyo sa kanilang Komunidad,” dagdag ni Soriano.
Panawagan ng grupo ang karagdagang pondo at bigyang prayoridad ang mga programang higit na makatutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahang Katolika gampanin ng pamahalaan ang bigyan ng pagpapahalaga ang kapakanan ng sambayanan.